Tagalog news: Pagtatala ng mga botante ipagpapatuloy ngayong araw
BALER, Aurora, Agosto 1 (PIA) -- Pinaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec) ang lahat ng mga kwalipikadong Pilipino na may edad 18 taong gulang o sasapit ang ika-18 kaarawan bago ang ika -13 ng Mayo, 2013 na magpatala, sa pagpapatuloy ngayong araw ng pangkalahatang rehistrasyon para sa halalan.
Sabi ng tagapagsalita ng Comelec na si James Jimenez na maaaring magpatala ang mga kuwalipikadong botante sa tanggapan ng election registrar sa kanilang distrito, siyudad o munisipalidad simula ngayong araw, Agosto 1 hanggang ika-31 ng Oktubre, ang huling araw ng rehistrasyon.
Bukas ang mga tanggapan ng Comelec mula Lunes hanggang Sabado, ika-8 n.u. hanggang ika-5 n.h., dagdag ni Jimenez.
Nauna rito, pansamantalang inihinto ng Comelec ang pagtatala ng mga botante sa buong bansa upang bigyang-daan ang pagsasagawa ng General Registration sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Naglagay ang Comelec ng mga tauhan mula sa non-ARMM areas upang tumulong sa mga registration centers sa nasabing rehiyon.
Isinagawa ang pangkalahatang rehistrasyon sa ARMM mula ika-9 hanggang 18 ng Hulyo.
“Those who will be enlisted in the registration from August 1 to October 31 will be able to participate in the May 13, 2013 midterm elections (Yaong mga nakapagpatala sa rehistrasyon mula Agosto 1 hanggang Oktubre 31 ay makakaboto sa halalan sa ika-13 ng Mayo 2013),” aniya.
Samantala, ang mga aplikasyon para sa transfer of registration, pagwawasto ng entry at pagpapatunay ng mga talaan ng rehistrasyon ay tatanggapin din, ani Jimenez. (WLB/JSL-PIA3 Aurora)
Number of Comments: 0