Tagalog News: 40,000 silid-aralan handa na sa Hunyo 2013 - Luistro
BALER, Aurora, Hunyo 2 (PIA) -- Hindi bababa sa 40,000 silid-aralan ang nakatakdang itayo sa taong ito na inaasahang handa na pagdating sa pasukan ng 2013.
"Makaka 40,000 classrooms tayong maipapagawa this year... By June 2013, maihahabol ito sa kakapusan sa classrooms," pahayag ni Department of Education (DepEd) Secretary Armin Luistro.
Noong 2010, sinabi ni Luistro na may kulang na 66,800 silid-aralan subalit nagawa ng kagawaran na makapagpatayo ng 15,000 hanggang sa kasalukuyan.
Inaasahan ng kalihim na matutugunan ang kakulangan sa silid-aralan sa pamamagitan ng programang Public-Private Partnership (PPP).
Sinabi niya na kasalukuyang nagbi-bid out sila sa konstruksyon ng 9,300 na silid-aralan sa ilalim ng programang PPP sa unang pangkat at isa pang 10,000 silid-aralan sa ikalawang pangkat.
Aniya, ang PPP ay nakatulong sa pagtugon sa matagal nang problema ng sektor ng edukasyon sa kakapusan ng silid-aralan dahil hindi sapat ang badyet ng kagawaran upang punan ang kakulangan.
Eighty percent of the department's budget goes to personnel services (Walumpung porsiyento ng badyet ng kagawaran ay napupunta sa mga serbisyong pangtauhan) at sa ating budget ay meron tayong 15,000 classrooms lang na pwedeng ipatayo, aniya.
Sa taong 2012, ang 40,000 na silid-aralan na nakatakdang itayo ay popondohan ng mga donor tulad ng Pagcor, mga dayuhang ahensiya, at ng local government units (LGUs).
Ang lumalabas ay 10,000 classrooms na lang ang shortage natin... malaking tulong sa atin ang PPP, dagdag pa ng kalihim. (WLB/JSL-PIA3 Aurora)
Number of Comments: 0