Tagalog news: Pamahalaang panlalawigan at isang mall sa Bulacan, pinalakas ang kakayahan ng mga PWDs
BALIUAG, Bulacan, Hulyo 30 (PIA) -- Nagsanib puwersa ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan at ang SM City Baliuag upang patuloy na maitaguyod ang kapakanan ng mga taong may kapansanan o persons with disabilities (PWDs) kaugnay ng pagdiriwang ng National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week.
Sa temang “Mainstreaming Persons with Disabilities in Economic Development,” nakatutok ang papel na ginagampanan ng bawat mamamayan upang ibahagi ang pagtulong sa pagpapasigla at pag-angat ng pang-ekonomiyang kalagayan ng mga PWDs.
Ayon kay Beverly Cruz, public relations officer ng SM City Baliuag, isinagawa sa kanilang event center ang pagtitipon ng mga PWDs mula sa 21 bayan at tatlong siyudad sa lalawigan kabilang ang mga bata mula sa Akapin Inc., Betsaida, at Hebron School na nagsagawa ng isang araw na puno ng mga palaro.
Pinangunahan nina Gobernador Wilhelmino M. Sy-Alvarado at Bise-Gob. Daniel Fernando ang pamamahagi ng mga regalo at premyo sa mga nanalo sa bawat paligsahan.
Ani pa ni Cruz, tampok din ang isang eksibisyon ng mga kahanga-hangang artwork na gawa ni Frederico Palines, isang physically handicapped artist, na sa kabila ng kaniyang kapansanan ay ipinakikita ang pambihirang kakayahan sa biswal na sining. Dahil dito, si Palines ay isa sa mga benepisyaryo ng kabuhayan livelihood assistance program ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa rehiyon.
Isang pag-aaral naman tungkol sa photography at photo exhibit para sa mga may karamdamang autism at down syndrome ang binuksan, na pinamagatang “Bulakenyo Angels Day Out:Photography With a Difference” na matutunghayan hanggang sa katapusan ng buwan.
Dagdag pa niya sa pamamagitan ng SM Care Program on Disability Affairs, isinagawa ang isang seminar on Handling Special Customers para sa mga frontliner ng nasabing mall upang turuan ang mga empleyado nito sa tamang paraan ng pagtulong sa mga customer na may kapansanan.
Bukod dito, pinapalakas din ng nasabing mall ang adbokasiya nito upang mawala ang hadlang sa pag-empleyo ng mga taong may kapansanan sa kanilang establisimiyento. Sa kasalukuyan, si Gerardo Guinit, may kapansanan sa pandinig, ay isang taon nang nagtatrabaho sa SM City Baluiag, bilang isang restroom attendant at tumutulong din sa pagsasaayos ng palikuran para sa mga PWDs.
Tuwing ikatlong linggo ng hulyo, ang NDPR week ay ipinagdiriwang bilang pagpapahalaga sa bayaning si Apolinario Mabini, ang kahanga-hangang paralitiko na nagbigay ng isang makabuluhang papel sa rebolusyon sa kabila ng kaniyang kapansanan. (WLB/VFC-PIA 3)
Number of Comments: 0