Tagalog news: Pagsasanay para sa parent-leaders ng 4Ps isinagawa ng Malolos
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Hulyo 27 (PIA) -- Isinagawa kamakailan ng pamahalaang panglungsod ng Malolos ang Parent-Leaders Leadership Seminar and General Assembly para sa mga magulang na benepisaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps).
Isang daan at anim na parent-leaders mula sa iba’t-ibang barangay ng lungsod ang dumalo sa seminar upang paghusayin ang kanilang sarili bilang lider sa ilalim ng 4Ps.
Ang mga parent-leader ang siyang nagsisilbing tagapagugnay ng mga benepisaryo ng 4Ps sa lokal na pamahalaan.
Sabi ni Malolos City Mayor Christian D. Natividad, ang pakikipagtulungan ng mga parent-leaders ay nagbibigay nang malaking kagaanan sa pamahalaan sa pagharap nito sa mga suliranin dahil mismong ang mga mamamayan na ang tumatanggap ng mga obligasyon at responsibilidad upang paunlarin hindi lamang ang kaniyang sarili bagkus pati na rin ang kaniyang kapwa.
Sinabi naman ni City Social Welfare and Development Officer Lolita Santos, isinagawa nila ang pagsasanay upang mapaunlad ang kaisipan ng bawat parent-leader na siyang magiging katulong ng lokal na pamahalaan tungo sa pagtatagumpapay ng Pantawid Pamilya.
“Sana magsilbing parang mga langgam ang mga parent-leaders na ating sinanay na sama-sama at tulong-tulong sa pagkilos para sa ikabubuti ng kaniyang kapwa,” pagtatapos ni Santos. (CLJD/VFC-PIA3)
Number of Comments: 0