Tagalog news: Multi-purpose drying pavement, magpapataas ng ani ng mga magsasaka ng Balagtas
BALAGTAS, Bulacan, Hulyo 11 (PIA) -- Nakatakdang magtayo ang pamahalaang bayan ng Balagtas ng isang multi-purpose drying pavement upang mapataas ang ani ng mga magsasaka sa Balagtas.
Ayon kay Mayor Romy Castro, ang konstruksyon ng nasabing proyekto na itatayo sa Brgy. Dalig at Burol 2nd na may sukat na 500 metro kuwadrado ay inaasahang magbibigay ng mas mataas ng ani ng palay para sa mga magsasaka ng Balagtas at kalaunan ay lalong mapapaunlad ang sektor ng agrikultura sa nasabing bayan.
“Inatasan ko na ang ating Municipal Agriculture Office (MAO) sa pamumuno ni Marangal Ruiz na gumawa ng isang resolusyon katuwang ang Sangguniang Bayan upang bumuo ng isang lease of contract na magtatadhana na magkaroon ng katuparan ang programang ito,” pahayag ni Castro.
Ang Multi-Purpose Drying Pavement ay isang “open space” kung saan ibinibilad ang mga aning palay sa ilalim ng sikat ng araw. Isa rin daw itong mainam na paraan upang maiwasan ang pagkabulok ng palay.
Inaasahang mahigit sa 587 magsasaka ang mabebenipisyuhan sakaling matuloy ang nasabing proyekto. Puspusan na ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng tanggapan ng MAO kay Director Andrew Villacorta, ang regional director ng Department of Agriculture sa Gitnang Luzon gayundin sa Provincial Agriculture Office ng Bulacan sa pamumuno ni Gloria SF. Carillo.
Sinabi naman ni Ruiz na patuloy ang pagkalinga at pagbibigay ng suporta sa mga magsasaka ng Balagtas. Patunay dito anya ang patuloy na pagbibigay ng seed subsidy.
Ang nasabing programa ay tatagal ng 15 taon ayon sa gagawing kontrata. (CLJD/VFC-PIA3)
Number of Comments: 0