DOST, La Consolacion sinuri ang kalidad ng tubig sa Angat River
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Mayo 31 (PIA) -- Isang pagsasaliksik ukol sa kalagayan ng Calumpit-Plaridel-Pulilan-Hagonoy-Paombong section ng Angat river ang naisakatuparan ng La Consolacion University of the Philippines na may sangay dito sa lungsod katulong ang Department of Science and Technology (DOST).
Sa pagsusuring, kung tawagin ay Physico-biochemical Fingerprints, natuklasang heavy polluted na ang nasabing section ng Angat. Kailangan dito ay isang multi-stakeholders approach upang bumalangkas ng mga istratehiyang magpapabuti ng pamamahala sa water resources at mapanumbalik ang kalidad ng Angat river pati na ang ground system nito.
Ang pag-aaral na nakumpleto matapos ang isang taon ay binubuo ng dalawang phases. Una ay ang solid waste management sa mga industriya at kabahayan sa mga piling bayan at ang relasyon nito sa kalusugan ng publiko; at pangalawa, ang pagtatasa ng kalidad ng tubig.
Ang mga nakuhang sample ng tubig sa Calumpit-Plaridel-Pulilan section ay pawang polluted ng chromium hexavalent samantalang ang mga sample mula sa Hagonoy-Paombong section ay pumasa sa heavy metal parameter standards. Ang chromium ay uri ng mabigat na metal na dumadami sa waste water dulot ng mga tanneries at mina. Gayundin ang Hagonoy-Paombong ay maikokonsidera na polluted sanhi ng mataas na biological oxygen compound (BOD). Ito’y sumusukat kung gaano karaming oxygen ang nauubos ng microorganisms upang ma-decompose ang isang bagay sa tubig.
Natukoy din sa nasabing pag-aaral ang kundisyon ng solid waste sa bayan ng Calumpit, Plaridel at Pulilan. Sa tatlo, ang bayan ng Calumpit ang may pinakamataas na dami ng recyclable wastes habang ang bayan ng Pulilan ang may pinakamaraming biodegradable at residual wastes.
Inirekomenda ni Prof. Ronald Milagroso ang pagpapahusay ng kakayahan ng mga concerned agencies ng gobyerno sa pagtugon sa pagbaba ng kalagayan ng Angat river. Hinikayat pa niya ang mga industriya na tumugon sa mga panuntunin ukol sa waste water at solid waste management standards.
“Kailangan maging pamilyar ang publiko sa mga isyu ukol sa kalidad ng tubig upang maging commited sila sa pagtugon sa problema bilang stakeholders,” ani Milagroso.
Sinabi naman ni DOST 3 Director Victor Mariano na nakatuon ang kanilang tanggapan sa pagbibigay ng tulong sa mga katulad nitong proyekto na may kaugnayan sa kapaligiran at climate change adaptation and mitigation. (CLJD/VFC-PIA3)
Number of Comments: 0