Tagalog news: Engrandeng parada, tampok sa Buntal Hat Festival

By Vinson F. Concepcion

Thursday 24th of May 2012
MALOLOS, Bulacan, May 24 (PIA) -- Bilang tampok na gawain kaugnay ng isinasagawang isang buwan pagdiriwang ng Buntal Hat Festival 2012 at kasabay ng ika-279 araw ng pagkakatatag ng bayan ng Baliuag, nakatakdang isagawa sa Mayo 26 ang isang engrandeng parada na magtatanghal sa mga produktong nagmula sa Baliuag at Buntal.

May temang “Baliuag, Patuloy sa Pagsulong at Pag-unlad,” ang nasabing pagdiriwang ay tatampukan ng mga produktong kilala sa nasabing bayan tulad ng Buntal hats at bag, Cornick at Butong Pakwan, Baliwag Sitsaron, Kalahi pastillas, Baliuag Lechon Manok at mga pagkain mula sa Fernando’s Bakery.

Ayon kay Rosie Q. Bautista, tourism at information officer ng nasabing bayan, ang parada na magsisimula sa Brgy. Makinabang at magtatapos sa SM City Baliuag mall ay dadaluhan din ng iba’t ibang establisyimento na nagbigay ng malaking ambag tungo sa pag-unlad ng bayan ng Baliuag.

Sinabi ni Bautista na ang buntal hat na gawa sa buntal fiber ay kilalang produkto mula sa Baliuag. Nagsimula aniya ang buntal weaving sa nasabing bayan sa pagitan ng 1907 hanggang 1909 kung saan dinala ni Mariano Deveza sa Baliuag ang bigkis ng buntal fiber mula sa kanyang bayan sa Lucban sa Quezon.

Ayon pa kay Bautista, dinala ni Deveza sa pumanaw ng si Dolores Maniquis ang mga buntal fiber at sinimulan ang paglalala nito at kalaunan ay nagsagawa ng eksperimento gaya ng paglalagay ng kulay at pagbibilad ng fiber.

Nagsimula ang pagsulong ng industriya nito noong 1910 at sa ngayon mayroon na itong lumalaking merkado para sa mga produktong mula sa buntal.

Samantala, nakiiisa na rin ang SM City Baliwag mall sa nasabing selebrasyon sa pagtatampok ng iba’ibang programang may kaugnayan sa buntal.

Ayon kay Beverly B. Cruz, public relations officer ng nasabing mall, nakatakdang isagawa ang isang Buntal Fashion Show sa Mayo 28 na magtatampok sa mga kasuotan, bags at accessories na gawa mula sa buntal fiber ng mga sikat na manufacturers tulad ng Buntal Ethnic Enterprises at Baliuag Buntal Enterprises.

Maari din sumali at manalo ng P5,000 worth ng gift certificate ang mga mamimili sa pamagitan ng pagbili ng anumang sombrero at maka-avail ng malaking diskwento sa pagsusuot ng shopping hats.

Matutunghayan din ang isang handmade giant buntal hat display sa nasabing mall. (CLJD/VFC-PIA3)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters