Tagalog News: Trabaho para sa mga kabataang Bulakenyo nakalaan na
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Abril 14 (PIA) -- Mayroon ng nakalaang trabaho para sa mga kabataang Bulakenyo matapos na mapirmahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at McDonald’s Philippines ang Memorandum of Agreement (MOA) sa ilalim ng programang Special Program for the Employment of Students (SPES) kamakailan.
Ang pagtanggap sa mga mapipiling magtatrabaho sa nasabing kumpanya ay bukas sa mga nag-aaral sa kasalukuyan sa lalawigan at maging sa mga out of school youth o OSY.
Sila ay magiging bahagi ng 4,000 kabataan sa buong Pilipinas na magkakaroon ng pagkakataong magkaroon ng hanapbuhay.
Ayon kay Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado, magandang balita ito at malaking tulong ang programang SPES para sa mga kabataang Bulakenyo lalo na sa mga kabataang pangarap din na makapagtapos ng pag-aaral.
Dagdag pa niya na dalawang pangangailangan ang natutugunan ng programang ito, una ay ang pangangailangang pinansyal at pangalawa ay nakatutulong ito upang maihanda ang mga kabataang benepisyaryo sa mundo ng empleyo.
Samantala, sinabi naman ni McDonald’s Philippines President and CEO Kenneth Yang na naniniwala ito sa kahalagahan ng edukasyon bilang mahalagang pundasyon sa pagkakaroong ng magandang kinabukasan at ang pagkakaloob ng hanapbuhay sa mga OSY ay kanilang pamamaraan upang makatulong sa mga kabataan na nais makapagtapos ng pag-aaral.
Sinabi din ni Chona Torre, Vice President for Human Resources, na sasailalim ang mga kabataang ito sa parehong pagsasanay na tinatanggap ng mga regular na empleyado ng kanilang kumpanya kung saan 52 araw na mamamalagi at magtatrabaho ang mga kabataan.
Ipinaliwanag naman ni DOLE Secretary Rosalinda Dimapilis-Baldoz na maaring magtrabaho ang isang kabataan ng hindi bababa sa apat na oras at hindi lalagpas sa walong oras kada araw sa loob ng anim na araw sa isang linggo.
Nakasaad din sa nasabing MOA na babayaran ng McDonald’s ang 60 porsyento ng suweldo ng empleyado at 40 porsyento naman ay sasagutin ng DOLE. Dapat din umanong sagutin ng kumpanya ng fast food ang insurance premium ng benepisyaryo ng SPES.
Ayon kay Elizabeth Alonzo, pinuno ng Provincial Youth, Sports, Employment, Arts, Culture and Tourism Office at siya ring Public Employment Service Office (PESO) manager, maari nang mag-inquire ang mga nais sumali sa programang ito sa PESO ng kani-kanilang mga bayan.
“Ang programang ito ay hindi lamang tuwing summer vacation, ito ay buong taon na maaring masalihan, at ang mga matatanggap ay maa-assign sa pinakamalapit na McDonald’s sa kanilang lugar,” ani Alonzo.(CLJD/VFC-PIA 3)
Number of Comments: 0