Tagalog news: DOST nagsagawa ng OL traps orientation para sa division chiefs ng mga pampublikong paaralan sa Gitnang Luzon

By Carlo Lorenzo J. Datu

Tuesday 24th of July 2012
LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga Hulyo 24 (PIA) -- Nagsagawa kamakailan ng isang araw na oryentasyon ang Department of Science and Technology (DOST) para sa mga division chiefs ng mga pampublikong paaralang pang-elementarya at sekundarya sa Gitnang Luzon patungkol sa tama at epektibong paggamit ng Ovicidal Larvicidal (OL) traps na makakatulong sa pagpigil sa pagkalat ng dengue.

Ayon kay DOST Regional director Victor Mariano, kanilang ipinamamahagi ang mga OL traps sa mga pampublikong paaralan dahil ang karaniwang biktima ng naturang sakit na mga bata ay ginugugol ang halos buong araw sa silid aralan na siyang oras din kung kailangan aktibo ang mga lamok na nagdadala nito.

Ang paglalagay aniya ng mga naturang kagamitan ay makakatulong makapagbigay ng proteksyon sa mga kagat ng lamok dahil ang OL solution ay kayang tumagal ng hanggang sa anim na araw.

Paliwanag ni Mariano na bawat OL trap ay binubuo ng isang itim na lalagyan, maliit na piraso ng kahoy na lawanit at larvicidal solution.

Ang amoy ng solution ay nakaka-akit ng mga babaeng lamok na mangitlog sa lalagyan kung saan kapag napisa na ang mga ito ay malalason at di kalaunan ay mamamatay.

Linikha ang teknolohiyang ito ng Industrial Technology Development Institute (ITDI), isang ahensya na nasa ilalim ng DOST.

Ito ay ligtas at madaling gamitin at walang nakakalasong kemikal.

Ang dengue ay isang sakit na nakukuha sa kagat ng lamok na tinatawag na Aedes aegypti. Ang lamok na ito aktibo tuwing araw. Karaniwang sintomas ng dengue ang pagkakaroon ng mataas na lagnat, matinding pananakit ng ulo, pananakit ng katawan at kasukasuan, pagsusuka, pananakit ng mata at mapupulang butlig sa balat. (WLB/CLJD-PIA3)































Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters