Tagalog news: DENR naggawad ng titulo sa mga magsasaka sa Gitnang Luzon
LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga, Hulyo 9 (PIA) -- Naggawad kamakailan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng 10,487 titulo na sumasaklaw sa 5,089 ektaryang public lands sa mga magsasaka sa Gitnang Luzon na walang lupa.
Sa isang panayam, sinabi ni regional executive director ng DENR na si Maximo Dichoso na ang mga titulo ay ipinamahagi sa pamamagitan ng Republic Act 10023 o mas kilala bilang New Free Patent Act.
Sa ilalim ng batas, naggagawad ang DENR ng mga titulo na tinatawag na “patents” sa mga benepisyaryo upang maging lehitimo ang kanilang pagmamay-ari sa lupaing kinatitirikan ng kanilang tirahan at hanap-buhay.
Dagdag pa ni Dichoso na ang proseso ng pagkuha ng mga patents ay kahalintulad ng sa pagkuha ng titulo sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program ng Department of Agrarian Reform.
Nakapaggawad na ang Kagawaran ng 87,721 patents sa Gitnang Luzon na sumasaklaw sa 53,354 ektarya buhat noong 1999.
Nakatakda nitong makumpleto ang apat na cadastral survey projects sa Nueva Ecija, Tarlac, Aurora, at Zambales bago matapos ang taon upang makapagbahagi pa nang mas maraming lupain at tumulong maresolba ang mga alitan tungkol sa lupa at boundary conflicts sa mga nabanggit na lugar.
Ang mga cadastral survey projects ang susi sa pagpapabilis ng land registration at pagsulong ng land valuation at taxation efforts ng mga lokal na pamahalaan pagkat sinusurvey nito ang mga lupaing hindi nasurvey o hindi natapos masurvey sa mga bayan, lungsod, at lalawigan.
May 130 land claims at conflict cases ang naresolba ng ahensya noong 2011 habang pumalo sa P15 milyon na ang kita na nakolekta mula sa private sales, multa, at pag-upa ng pampublikong lupain. (WLB/CLJD-PIA 3)
Number of Comments: 0