Tagalog news: DAR balak ipamahagi ang lupa sa mga magsasaka ng Luisita sa loob ng 6 buwan hanggang 1 taon

By Carlo Lorenzo J. Datu

Thursday 28th of June 2012
LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga, Hunyo 28 (PIA) -- Balak ipamahagi ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang titulo ng lupa sa 6,296 lehitimong magsasakang benepisaryo ng Hacienda Luisita sa Tarlac sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa loob ng anim na buwan hanggang isang taon simula sa panahon na naglabas ng pinal na desisyon ang Korte Suprema noong Abril.

Sa isang pulong kasama ang mga mamamahayag sa Pampanga, sinabi ni DAR Secretary Virgilio De los Reyes na sila ay nasa proseso pa rin ng pagkilala at pagbeberipika ng mga aktwal na benepisaryo batay sa 1989 na listahan ng mga empleyado at kamag-anak ng naturang sugar estate sapagkat mayroon aniya ngayong humigit kumulang na 8,400 claimants.

Iginiit ni De los Reyes na hindi nito maaantala ang pamamahagi ng lupa.

Umaapela ang kalihim na unawain na ang agrarian reform ay naguukol nang mahabang panahon sapagkat isang sistema ang sinusunod.

Mahirap aniya ang sitwasyon ng Luisita sapagkat 20 porsyento ng nasa opisyal na listahan ay pumanaw na kaya inaalam pa kung sino ang tagapagmana ng mga ito.

Bukod sa pagkilala at pagbeberipika, nagsasagawa rin ang DAR ng segregation and subdivision survey, at paghahanda para sa post-distribution ng support services upang mapabilis ang proseso ng pamamahagi.

Ang lampas 6,000 ektaryang Hacienda Luisita ay pagmamay-ari ng pamilya Cojuangco, ang maternal side ni Pangulong Benigno S. Aquino III.

Ito ang pinakamalawak na CARP-covered land na ipapamahagi ng DAR sa mga magsasaka sa kasaysayan ng Philippine agrarian reform.

Unang ipinatupad noong 1988 sa ilalim ng termino ng ina ni Aquino na si Pangulong Cory, ang CARP ay dalawang beses nang napalawig noong 1998 at 2009. (WLB/CLJD-PIA3)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters