Mga dam sa Nueva Ecija, tiniyak na hindi makakapinsala

By Lyndon Plantilla

Wednesday 8th of August 2012
Nueva Ecija, Aug 8 (PIA) -- Tiniyak ng mga awtoridad sa Nueva Ecija na hindi magdudulot ng pagbaha ang mga dam ng lalawigan.

Ito ay sa kabila nangg madalas na pag-ulan bunga ng habagat na inaasahan ng PAGASA-Cabanatuan na magtatagal hanggang Huwebes.


Unang nilinaw ni Josephine Salazar, National Irrigation Administration operations manager , na hindi magpapakalawa ng tubig ang Pantabangan dahil napakalayo pa sa spilling level (221 meters) ang reading (208.9 m) kahapon ng 5 n.h.

Halos hindi nalalayo sa reading kaninang 7:30 n. u., umabot lang ng 208 m dahil sa mabagal at mahina ang pag-ulan sa bayan ng Pantabangan.

Mas mahina pa ang pag-ulan pagkaraan ng tanghali nang tanungin si Mayor Romeo Borja Sr. kahapon ng 1 n.h.

Ayon pa kay Salazar, kayang-kaya ng Pantabangan Dam na magpatubig sa may 110,000 ektarya ng palayan.

Sa kabilang dako, ipinasara pansamantala ng Upper Pampanga River Integrated Irrigation System (UPRIIS) ang ilang mga dam tulad ng Penaranda at ng Atate para maiwasang bahain ang mga palayan.

Samantala, iniulat ni Salazar na umabot sa 101.6 m ang taas ng tubig sa Aulo Dam nitong Martes.

Ang spilling level sa Aulo Dam ay 102 m.

Sa kabila nito, tiniyak ni Salazar na hindi magdudulot ng pagbaha kung umapaw man ang tubig sa Aulo Dam.

Batay sa kanyang pakikipag-usap kay Mayor Romy Capinpin, kakayanin saluhin at padaluyin ng mga ilog ang tubig mula sa Aulo Dam.

Ang Aulo Dam ay nagpapalabas lang ng 10 cubic meters (cu m) per second.

Kumpara sa Pantabangan Dam, mas maliit ang Aulo na may kakayahang magpatubig sa may 700-800 ektarya.

Agad naman pinabulaanan ni Lupao Mayor Richard Ramos na magpapakawala ng tubig ang Macanae Dam ayon sa isang text message na natanggap ng provincial government.

Ayon sa alkalde, butas ang Macanae Dam at walang kakayahang makapag-impok ng tubig.

Ipinaliwanag pa ni Ramos na sumasailalim pa sa pagkukumpuni ang Macanae Dam kaya walang dapat ipangamba ang mga taga-Lupao.

Ang tubig mula sa Pangasinan at Tarlak ay sinasalo ng Rio Chico River, na ayon kay Salazar, ang siyang nag-iipon ng tubig mula sa mga karatig lalawigan ng Nueva Ecija.

Madadaanan ng Rio Chico River ang mga bayan ng Zaragosa at San Antonio.

Matapos ang panalalasa ng Bagyong Quiel noong 2011, inirekomenda nina Salazar ang de-clogging sa nasabing ilog upang maiwasan na ang pagtagas ng tubig sa San Antonio. (RmB/LP-PIA 3, Nueva Ecija)
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters