Tagalog news: Mga maralitang makakalibre sa gamutan sa Nueva Ecija, madadagdagan
CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Agosto 4 (PIA) -- Mas marami pang mahihirap sa Nueva Ecija ang malilibre sa pagpapapagamot sa tulong ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at ng pamahalaang panlalawigan.
“Mag-eenroll ang probinsya ng hanggang 32,000 bagong benepisaryo ng PhilHealth. Magbabayad ang probinsya ng P200 kada qualified constituents kada buwan,” sabi ni Provincial Administrator Alejandro Abesamis.
Ang pahayag ni Abesamis ay kasunod ng paglagda nina PhilHealth President and Chief Executive Officer Eduardo P. Banzon at Governor Aurelio Umali ang isang kasunduan noong ika-2 ng Agosto para mabigyan ng pagkakataon ang mga kababayang walang pangastos sa pagpapagamot.
Ang lagdaan ay sinaksihan ng mga alkalde at bise alkalde ng mga bayan at lungsod ng Nueva Ecija sa Old Capitol Compound sa siyudad ng Cabanatuan.
Dahil sa kasunduan, kailangan na lamang magpakita PhilHealth card ang mga miyembro nito para sila ay maasikaso ng ospital, imbis na kapanayamin, hanapan ng mga identification cards at tatanungin kung sila ay may kapasidad magbayad, ani Abesamis.
Mag-uusap ang probinsya at ang mga munisipalidad, aniya, para malaman kung paano at gaano karami ang mairerehistro sa bawat bayan.
Tiniyak ni Abesamis na magiging patas ang sistema na ipapatupad para maabot ng programa ang mga tunay na nangangailangan ng serbisyo.
Pupulungin ni Umali ang mga kinatawan ng mga district hospital sa Lunes para pag-usapan ang nilalaman ng kanyang nilagdaang kasunduan sa PhilHealth.
Una rito, ang tanggapan ni Third District Representative Czarina Umali ay may 4,000 taong nakarehistro sa sponsored program ng PhilHealth.
Ang Nueva Ecija, ayon kay Marvie Robledo ng PhilHealth Cabanatuan City Service Office, ay kabuuang 95,000 katao na nakatalang sa kanilang sponsored program sa kasalukuyan.
Bukod ito sa 32,000 na kataong ipapasok pa lang ng lalawigan alinsunod sa napirmahang kasunduan.
Ani Robledo, tiwala ang PhilHealth na makakayanan ng lalawigan na maipatupad ang kasunduan dahil sa diskwentong ibinigay ng ahensiya.
Sa halip na P2,400 kada taon ang ipupuhunan ng lalawigan sa bawat sponsored member, P1,800 na lang ang kanilang babayaran bawat miyembro.
Matatandaang mismong si Pangulong Benigno S. Aquino III ang nagsabi sa kanyang ikatlong State of the Nation Address na mas maraming pang mahihirap ang makikinabang sa serbisyo ng PhilHealth sa mga darating na araw. (RMB/LP-PIA3 Nueva Ecija)
Number of Comments: 0