Tagalog news: Alcala, isinulong ang pagtatanim ng kape sa Nueva Vizcaya
KAYAPA, Nueva Vizcaya, Aug 8 (PIA) -- Hinimok ni Department of Agriculture (DA) Secretary Proceso Alcala ang mga magsasaka sa Nueva Vizcaya upang magtanim ng kape dahil sa angkop na klima at mayamang lupa ng bayang ito.
Sa kanyang pagdalaw dito, partikular sa barangay Besong kung saan ginanap ang Techno Demo Grand Field Day ng DA ngayong araw, pinuri ni Alcala ang mga lupain dito dahil sa taglay nitong ganda at yaman sa natural na pataba kung kaya’t magiging maganda ang pagtatanim ng Arabica coffee.
Dahil dito, nagpamudmod ng 200 Arabica Coffee seedlings sa mga magsasaka upang maumpisahan na ang kanilang pagtatanim.
Sabi ng kalihim, malaki ang pangangailangan sa merkado ng kape kung kaya’t hindi mawawalan ng bibili sa mga produktong kape ng mga magsasaka.
Ipinangako din ni Alcala na tutulong siya sa pagbebenta ng mga produktong kape mula sa bayang ito upang matulungang umunlad ang mga upland farmers.
Isinulong din ni Alcala ang paggamit ng organikong fertilizer sa mga magsasaka upang maging sariwa at ligtas sa kalusugan ang mga produktong gulay ng mga magsasaka.
Ang bayan ng Kayapa ay isa sa mga pinagmumulan ng upland vegetables na ibinibiyahe ng mga magsasaka sa iba’t-ibang probinsiya at siyudad ng bansa. (TCB/BME-PIA2 Nueva Vizcaya)
Number of Comments: 0