Tagalog news: P.8M maaaring malikom mula sa Ammungan Festival ng Nueva Vizcaya
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Hulyo 10 (PIA) -- Maaaring mahigit P.8 million ang nalikom ng 2012 Ammungan Festival Committee, ayon sa mga tagapagtaguyod ng nasabing selebrasyon.
Ayon sa ulat ni Dr. Ma. Carla Lucia Torralba, director-general ng Ammungan Festival ngayong taon, ang pondong nalikom ay mula sa iba’t ibang renta ng mga ipinatayong "booths" o pwesto na ginamit ng mga local na negosyante upang magtinda ng kanilang mga produkto at mula sa mga donasyon ng mga tagasuporta nito.
“Ang pondo ay nagmula sa renta sa mga ginamit na pwesto ng mga iba’t-ibang mangangalakal sa lalawigan at dumadayong negosyante mula sa ibang probinsiya at rehiyon,” pahayag ni Torralba sa isang pagpupulong kamakailan.
Dagdag pa niya na mananatiling buo at nasa mabuting kamay ang nalikom na pondo upang magamit ito sa kaukulang proyekto para sa ikagaganda ng taunang selebrasyon ng Ammungan Festival.
Sa pangkalahatang pananaw ng mga nag-organisa, naging maganda at maayos ang takbo ng mga iba’t ibang programa at mga palabas sa isinagawang Ammungan Festival noong Mayo 19 hanggang 24 dahil sa pagtutulungan ng mga iba’t ibang ahensiya ng pampubliko at pribadong sektor.
Dumami pa ang mga programang ginawa sa loob ng isang linggong selebrasyon.
Ang Ammungan Festival ay selebrasyon ng kaarawan ng lalawigan bilang "civil government" na ibinigay ng Espanya.
Ang Ammungan ay hango sa salitang Gaddang na ibig sabihin ay pagtitipon at pagkakaisa. Napagkasunduan ang salitang Ammungan dahil sa layuning mapagsama ang mga iba’t ibang tribo sa lalawigan, kasama na ang mga bisita mula sa iba’t ibang lugar sa bansa at sa ibayong dagat. (BME-PIA 2, Nueva Vizcaya)
Number of Comments: 0