Tagalog news: Pondo para sa patuloy na serbisyo ng mga casuals sa Nueva Vizcaya, inaprubahan
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Hulyo 7 (PIA) -- Inaprubahan kamakailan ng mga mambabatas ng pamahalaang panlalawigan ang karagdagang pondo para sa sweldo ng mga "casuals" nito upang hindi matigil ang mga serbisyong ipinapatupad ng lokal na pamahalaan.
Ang mahigit P17 million "supplementary budget" ay ipinasa ng mga mambabatas matapos itong hingin ng ehekutibong departamento upang ipatuloy ang serbisyo ng mga mahigit 300 na casuals ng probinsyal na pamahalaan hanggang Setyembre ngayong taon.
Ayon kay board member Edgar Llowelyn Daniel, kinakailangan ang nasabing karagdagang pondo upang hindi maantala ang mga serbisyong sensitibo at kinakailangan ng mga mamamayan kung saan ang mga casuals ang nasa "frontline" nito, lalo na sa pangkalusugang kalinga na kinakailangan ng mga mamamayan.
Ayon kay Dominador Dacumos, provincial accountant, hanggang Hunyo lamang ang sapat na pondong nailaan para sa sweldo ng mga casuals ngayong taon dahil nagmula lamang ito sa "savings" mula sa mga "vacant-funded positions."
“Dahil sa pangangailangan sa kanilang serbisyo, magdadagdag ng pondo ang pamahalaang local upang matustusan ang mga sweldo at benepisyo ng mga ito hanggang Setyembre ng taong kasalukuyan. Dahil dito, nakahinga sila ng maluwag at makakapagtrabaho na ng maayos,” paliwanag ni Dacumos. (BME/PIA 2-Nueva Vizcaya)
Number of Comments: 0