Tagalog news: 'Gener' at 'Habagat' sinalanta ang Ilocos Sur, 8,300 na tao nagsilikas

By Ben P. Pacris

Thursday 9th of August 2012
LUNGSOD NG VIGAN, Aug. 9 (PIA) -- Umabot ng P6.7 milyong halaga ng imprastruktura ang nasira at P3.5 milyon halaga ng pananim ang nasalanta sa pagragasa ng Bagyong “Gener” at matinding ulan na dulot ng Habagat sa Ilocos Sur.

Ayon kay Sigfred Duquing, action officer ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) umabot ng 8,300 na miyembro ng pamilya mula sa pitong barangay na nasa tabi ng dagat sa Tagudin ang inilikas patungong evacuation center sa poblacion.

Iniulat din ni Engr. Ray Elaydo, district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na na- washed out at nag- mud slides ang cave in pavement at slope protection ng mga daan sa Barangay Uso at Man-atong sa kabundukan ng Suyo; Barangay Malaya, Rosario, Camillas at Cayos ng Cervantes; at Calanguasan sa Salcedo.

Hiniling ni Engr. Elaydo na kailangan ng dagdag na truck, grader at loader para sa restorasyon ng mga nasalantang daan na karamihan ay maputik. Tatagal ng apat na buwan bago makumpleto ang restorasyon ng mga naturang nasalantang daan, ayon pa sa kanya.

Batay din sa report ni Provincial Agriculturist Teofilo Quintal umabot ng P3.5 milyong halaga ng pananim na palay, mais, mani at gulay ang nasalanta sa mga bayan na nasa kabundukan tulad ng Suyo, Alilem, Quirino, at Tagudin.

Sa report ng PNP Caoayan, ang nawawalang mangingisda na si Gilbert Rabara ng Barangay Fuerte ay na- rescue ng Coast Guard sa dagat ng Claveria, Cagayan kahapon, Agosto 8. Ito na ang pangatlong beses na nailigtas si Rabara sa karagatan sa panahon ng bagyo.

Samantala, nagbabala si Gov. Chavit Singson sa mga naninirahan sa mga coastal barangay at upland towns na maging alerto at nakahandang magsilikas kung sakaling may warning sa kanilang lugar. Nagpamigay ang gobernador ng mga life vest sa mga mangingisda sa iba’t- ibang bayan para magamit sa panahon ng kalamidad.

Ayon sa gobernador, kinatatakutan lang ang pagtaas ng tubig sa Abra River na aagos sa Banaoang River kung may malakas na bagyo.

Sa nakaraang press conference kay Director Mario Tayag ng Mines and Geosciences Bureau, (MGB) nagbabala na kung tataas ang water level ng Abra River sanhi ng malakas na bagyo, nanganganib ang mga naninirahan sa Heritage City ng Vigan,Bantay, Santa, San Vicenyte,, Caoayan at Sta. Catalina. (ANL/BPP-PIA 1 Ilocos Sur)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters