Tagalog news: Tulong pinansiyal ibinahagi sa mga negosyanteng babae sa Ilocs Norte

By Carlo P. Canares

Friday 3rd of August 2012
SIYUDAD NG LAOAG, Agosto 3 (PIA) -- Namahagi kamakailan ang lokal na pamahalaan ng Ilocos Norte ng tulong pinansiyal sa mga maliliit na negosyanteng babae sa lalawigan.

Ang tulong ay pautang na bahagi ng Livelihood Program for Women in Business o programang pangkabuhayan para sa mga kababaihan sa ilalim ng Gender and Development (GAD) ni Gob. Imee Marcos.

Sinabi ni Nelinda Erice, hepe ng tanggapan ng GAD, mayroon 49 na benipisyaryo mula sa 10 munisipyo at isang lungsod ang nabiyayaan ng tulong-pinansiyal.

“Pinili ng aming tanggapan ang mga tatanggap ng tulong-pinansiyal matapos kaming magtungo sa mga barangay upang siguraduhin na sila nga ay mga negosyante,” sabi ni Erice.

Ang mga benipisyaryo ay mula sa mga bayan ng Badoc, Pinili, Currimao, Paoay, San Nicolas, Nueva Era, Marcos, Banna, Piddig, Bacarra at lungsod ng Batac.

Si Marcos ang nag-abot ng tig-sasampung libong piso na pautang sa bawat benepisaryo bilang pandagdag sa pagpapalaki ng kanilang mga negosyo.

Ilan sa kanilang mga negosyo ay pag-aalaga ng baboy, pagtitinda ng mga pagkain, mga damit at kagamitan, at iba pa.

Ang nasabing halaga ay kinakailangan bayaran ng mga kababaihan sa loob ng 10 buwan at mayroon patong na limang porsyento na interes.

“Ito ay ikalawang beses na nagbigay ng tulong ang lokal na pamahalaan sa ilalim ng nasabing programa. Nauna ng namahagi ang Gobernador noong Marso sa buwan ng kababaihan. Layunin ng Gobernador na tulungan ang mga kababaihan bilang kaakibat sa kaunlaran, makapagbigay ng kabuhayan at palaguin ang mga maliliit na negosyo,” sabi pa ni Erice.

Sinabi pa ni Erice na bukas ang kanilang tanggapan para sa mga kababaihang negosyante na nais humingi ng tulong. (JCR/CPC-PIA 1 Ilocos Norte)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters