Tagalog news: Dagdag benepisyo sa Phl veterans, ipinaglalaban ng Aquino gov't

QUEZON CITY, March 30 (PIA) -- Tuloy-tuloy ang dagdag na ayudang isinusulong ng administrasyon ng Pangulong Benigno S. Aquino III para sa mga beteranong sundalo, ayon sa isang opisyal ng Philippine Veterans Affairs Office nitong Biyernes.

Sa programang CNEX na ginanap sa Philippine Information Agency kaugnay ng pagdiriwang ng Philippine Veterans Week sa Abril 5-11, sinabi ni PVAO administrator Lt. Gen. Ernesto Carolina na layunin ng pamahalaan na mabigyan ng dagdag benepisyo ang mga Philippine veterans upang makapamuhay ang mga ito ng mas komportable.

Ani Carolina, kasado na sa mga kumite sa Kamara ang pagtataas sa P10,000 mula sa kasalukuyang P5,000, ang Old Age Pension ng mga beterano dahil kulang na kulang ito para sa pangangailangan ng benepisaryo.

"Sinusuportahan at naaprubahan na sa Committee on Veterans Affairs at National Defense Committee dun sa Kongreso yung pag-increase ng kanilang Old Age Pension," aniya.

Ganunpaman, dahil sa masyadong malaki ang guguguling badyet sakaling maaprubahan ang panukala, ipinaliwanang ng opisyal na gagawing hulugan ang pagbibigay sa mga beterno ng dagdag na pensyon.

"Masyadong malaki ang (budget) outlay na kailangan from P5,000 to P10,000 kaya ang plano hulugan, so tataasan nila ng P1,000 per year, for the next five years, para mapunuan ang balanse," ani Carolina.

Gayundin, plano daw ng Aquino administration na doblehin sa P20,000 ang kasalukuyang P10,000 burial assistance na ipinagkakaloob sa mga namatay na beterano.

Bukod pa rito ang pagtataas sa kanilang total disability benefit mula P1,700 patungong P10,000. Aniya, meron kasing tinatawag na total administrative disability benefit para sa kanila na ayon sa batas, kapag ang beterano ay umabot na sa edad 70-anyos ay dapat itong tumanggap ng mga benepisyo na gaya sa isang "totally disabled" na sundalo. (RJB/JCP-PIA NCR)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters