Tagalog news: Phl Business Registry sa Bulacan, binuksan ng DTI

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Agosto 15 (PIA) -- Makakakuha na nang business permit sa loob lamang ng 30 minuto mula sa dating 32 araw sa pagbubukas ng Philippine Business Registry (PBR) sa sangay ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Bulacan.

Dahil dito, isang lakaran na lang ngayon ang pag-aasikaso at pagproseso ng mga dokumento sa aplikasyon kung sino ang nais magbukas ng negosyo. Pinagsama-sama na rito ang mga ahensiya ng pamahalaan na pangunahing kailangan upang makakuha ng business permit.

“Magandang atraksiyon ito sa mga namumuhunan at kahit sa mga maliliit na negosyante na gustong magsimula dahil mas pinaiksi na ang pagpoproseso ng business permit. Hindi na kung saan-saan pang opisina o ahensiya sasadya dahil sa isang upuan mo lang sa iisang lugar, nandito na lahat sa PBR ang kailangan mo,” ayon kay Zorina Aldana, provincial director ng DTI-Bulacan.

Matatagpuan sa ikalawang palapag ng gusali ng DTI-Bulacan ang PBR na nasa kahabaan ng MacArthur Highway, bago dumating ng Fausta intersection kung magmumula sa Kapitolyo ng Bulacan.

Sa ngayon, limang ahensiya ng pamahalaan ang pirming ‘naka-opisina’ rito upang magproseso ng mga dokumento sa PBR. Pwede nang makuha rito nang sabay-sabay ang Business Name Certificate Number mula mismo sa DTI, Tax Identification Number (TIN) mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR), Employer’s Registration Number mula sa Social Security System (SSS) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at ang Employer’s I.D. Number mula sa Pag-IBIG.

Tumatanggap ang PBR ng kahit anong uri ng negosyo mula sa sole proprietorship o iyong mga micro, small and medium enterprises tulad ng mga nagtitinda ng fishball o magtataho. Pati ang mga negosyong sosyo o partnership at ang mga korporasyon o malalaking negosyo at pamumuhunan.

Ang sistema para sa sole proprietorship na negosyo, walang gagawin ang sinumang aplikante ng business permit kundi ang sumadya sa DTI-Bulacan at sagutan ang PBR form at isumite sa teller na nakaupo sa PBR. Dito ipoproseso ang pagkakaroon ng TIN at kung mayroon na, ay iba-validate na lamang.

Isusunod agad dito ang pagproseso sa Business Name (BN) Certificate and Employer’s Registration Numbers (ERNs) na siyAng maglalabas din sa mga ERN’s ng SSS, PhilHealth at Pag-IBIG. Lahat nang ito ay maipoproseso sa loob lamang ng 30 minuto.

Para naman sa mas malalaking negosyo, pinaalalahanan ni Aldana na bago pumunta ang mas malalaking negosyante sa PBR, kinakailangang dumaan muna sa punong tanggapan ng Security and Exchange Commission (SEC). Ipinaliwanag niya na kasalukuyan pang inaayos ang pagsasama sa SEC sa sistema ng PBR kung kaya’t kinakailangang naasikaso na ang aplikasyon para sa SEC registration certificate at Articles of Partnership/Corporation.

“Pagpunta nila sa PBR, dapat dala nila ang orihinal na kopya ng registration certificate at Articles of Partnership/Corporation mula sa SEC at iyon mismo ang isusumite sa PBR upang maiproseso sa loob din ng 30 minuto ang kani-kanilang dokumento sa limang ahensiya na ‘in-house’ na sa PBR.”

Matatandaan na pinagtibay ng mga gobernador sa gitnang Luzon, sa pangunguna ni Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado sa mga naunang pulong ng Regional Development Council (RDC) na hindi magkakaroon ng business permit ang sinumang mamumuhunan o negosyante hangga’t hindi natitiyak na mapagkakalooban ng benepisyo sa mga nabanggit na ahensiya ang mga manggagawa nito.

Ani Alvarado, “Gaano man kalaki ang isang puhunan na ipapasok ng isang negosyante, kung hindi mataas ang moral ng mga manggagawa, hindi magiging malakas ang produksiyon at mukhang magiging mahina ang maitutulong sa ekonomiya. Kaya’t ang sinasabi natin dito, dapat matamo ng mga manggagawa ang dapat ay sa kanila at sa kanilang pamilya.”(RMB/SFV-PIA3 Bulacan)

Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters