Tagalog news: Philippine Crops Insurance Corporation, nakahanda nang magbigay ng ayuda sa mga magsasakang nagpaseguro
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Agosto 10 (PIA) -- Pinapasumite na agad ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) sa mga magsasaka at mangingisdang nagpaseguro, ang listahan ng halaga ng mga nasalantang pananim at palaisdaan kasunod ng malawakang pagbaha dahil sa hanging habagat upang sila ay mabigyan na nga ayuda.
“Dapat ay magbigay na sila ng mga ulat ng pinsala sa kanilang mga palaisdaan at mga sakahan upang maiproseso na ito sa loob ng 24 oras pagkatanggap ng ulat. At maipalabas na ang halagang dapat nilang matanggap para makabangon kaagad," ayon kay Robertito Ocampo, information officer ng PCIC.
Sa ginanap na pulong ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) kahapon, Agosoto 9, lumabas sa tala ng Provincial Agriculture Office (PAO) na pumalo na sa P188.2 milyon ang naging pinsala sa agrikultura. Pinakamalaki na rito mga nasirang sakahan ng palay na nagkakahalaga ng P105 milyon. Habang umabot na sa P72.6 milyon naman ang halaga ng mga tumapong palaisdaan.
Napinsala rin ang sektor ng paghahayupan sa Bulacan dahil P2.4 milyon na ang apektadong babuyan at bakahan na binaha o kaya naman ay nagkasakit ang kanilang mga alaga dahil sa ulan o lamig.
Kaugnay nito, sinabi ni Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado na makikipagtulungan ang kapitolyo sa Department of Agriculture at PCIC upang mahikayat ang mga magsasaka na hindi pa nagpapaseguro na tiyakin na makasama na sila sa listahan ng PCIC upang agad rin silang matulungan.
“Kinakailangan ay may agad na ayuda sa ating mga magsasaka at mangingisda upang hindi nagkakaroon ng agam-agam sa tuwing may bagyo at kung saan-saan uutang para lang makabangon,” ayon pa sa gobernador.
Ang PCIC ay isang government financial institution na itinatag ng dating Pangulong Ferdinand E. Marcos noong 1981 upang umagapay sa mga taga-sektor ng agrikultura sa panahon ng kalamidad sa pamamagitan ng pagpapaseguro.
Para naman sa mga hindi pa saklaw ng pagpapaseguro sa PCIC, tiniyak naman ng Provincial Agriculture Office na ang kapitolyo ay magkakaloob ng ayudang uubrang maging bahagi ng calamity fund ng Pamahalaang Panlalawigan.
Nauna nang nagdeklara si Alvarado ng state of calamity na nagbibigay ng otorisasyon na magamit ang nakalaang pondo para sa kalamidad ng lalawigan. (RMB/SFV-PIA3 Bulacan)
Number of Comments: 0