P72 milyong pinsala sa agrikultura sa Bulacan, idudulog ng Kapitolyo sa DA

By Shane F. Velasco

Wednesday 8th of August 2012
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Agosto 8 (PIA) -- Puspusan ang ginagawang pag-alalay ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga Bulakenyong magsasaka at mangingisda na direktang naapektuhan ng malawakang pagbaha dahil sa paghagupit ng hanging habagat kahapon, Agosto 7.

Sa ginanap na pulong ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC), lumabas sa tala ng Provincial Agriculture Office (PAO) na umabot sa P72 milyon ang pinsala sa agrikultura. Pinakamalaki rito ang mga nasirang palaisdaan sa bayan ng Paombong na pumalo sa P25.3 milyon. Bahagi ito ng kabuuang P57.2 milyon ng mga nasirang palaisdaan sa mga bayan ng Marilao, Malolos, Hagonoy, Calumpit at Bulakan.

Nagmistulang mga palaisdaan naman ang mga lupang sakahan ng palay dahil sa matinding pagkakalubog sa baha. May halagang P15 milyon ng mga pananim ang nasira sa malaking bahagi ng 6,179 ektaryang palayan sa buong Bulacan.

Kaugnay nito, tiniyak ni Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado na makikipagtulungan ang Kapitolyo sa Department of Agriculture (DA) para sa anumang agarang tulong para sa mga magsasaka at mangingisda. “Sa sektor ng agrikultura nakadepende ang ekonomiya at seguridad sa pagkain ng Bulacan. Kaya dapat na tuwirang matulungan ang mga magsasaka at mangingisda na makabangon mula sa pagkakalubog sa baha na nagdulot ng pagkasira ng kanilang pananim at pagkatapon ng mga inaalagaang mga isda.”

Samantala, sinabi naman ni Robertito Ocampo, information officer ng Philippine Crops Insurance Corporation (PCIC), “ngayon nakikita kung gaano kahalaga na maipaseguro ng mga magsasaka at mangingisda ang kanilang mga pananim, ani, alaga at iba pa para kapag ganitong may mga bagyo, tiyak na may sasagot sa mga nasirang pananim o alaga nila. Isang hamon sa PCIC na patuloy na kumbinsihin ang mga taga sektor ng agrikultura na magpaseguro at hindi umasa sa kung saan sila makakahingi ng tulong o ayuda. Kung nakaseguro sila, basta’t isumite lang nila ang ulat ng pinsala sa tanggapan ng PCIC, sa loob ng 24 oras, makakakuha na sila ng claim.” (RmB/SFV/PIA-3/BULACAN)

Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters