Tagalog news: Aayusin ang mga nasirang kalye dahil sa baha - DPWH
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Agosto 8 (PIA) -- Nakatakdang kumpunihin ng First Engineering District ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagkumpuni sa mga nabutas na bahagi ng kalsada na nababad nang matagal sa baha.
Ani Benedict Matawaran, inhinyero, hihintayin lamang ng ahensiya na humupa ang baha at saka sisimulan ang pagkukumpuni at pagsasaayos sa kahabaan ng MacArthur Highway mula Calumpit hanggang Bocaue at sa Daang Maharlika na bahagi ng First Engineering District ng DPWH sa Bulacan.
Sinabi niya, “Hindi naman gagastos ang gobyerno sa pagkukumpuni ng mga nasirang bahagi dahil under warranty pa iyan sang-ayon sa probisyon ng Republic Act 9184 o ang Procurement Reform Act.”
Partikular na uunahin ang bahagi ng MacArthur Highway mula sa Barangay Bulihan hanggang Longos sa lungsod ng Malolos.
Ito ang bahagi na bukod sa nilatagan ng aspalto, nilagyan din ito ng geo-textile fabricated upang maging matibay sa mga mabibigat na sasakyan na dumadaan.
Nalubog nang matagal ang malaking bahagi ng dalawang pangunahing lansangan sa lalawigan matapos magdamag at maghapong umulan mula ika-6 at 7 ng Agosto dahil sa hanging habagat o “southwest monsoon.”
Umabot sa tatlo hanggang limang talampakan ang lalim ng baha na kahit ang mga malalaking bus at trak ay hindi kinayang dumaan.
Pinakamalalim na bahagi ng Mac Arthur Highway ay mula Marilao hanggang lungsod ng Valenzuela na tatahak sa lungsod naman ng Meycauayan.
Umapaw ang Marilao-Meycauayan-Obando River System na nagbunsod din sa pagkakalubog sa baha ng North Luzon Expressway (Nlex). Masusukat ang lalim ng tubig sa mismong expressway sa isang bus na tumirik dito dahil nagpumilit pang dumaan na nalubog ang kalahati nito.
Sabi ni Francisco ‘Kiko’ Dagohoy, media specialist ng Tollways Management Corporation (TMC), ang pribadong kumpanya na namamahala sa operasyon ng Nlex, pansamantalang isinara ang expressway sa lahat ng uri ng sasakyan nitong maghapon ng ika-7 ng Agosto dahil sa pagkakalubog sa baha kasunod ng pag-apaw ng ilog.
Sumunod namang nasuspinde ang operasyon ng mga bus na regular na bumibiyahe patungong gitna at hilagang Luzon na dumadaan sa Nlex.
Kagabi, unti-unti nang humupa ang kabahaan ng Nlex at muling nabuksan sa trapiko ang tig-dalawang linya sa kabuuang walong linya ng expressway sa magkabilang direksiyon. (RMB/SFV-PIA3, Bulacan)
Number of Comments: 0