Bustos Dam, gagawing tourist spot

By Shane F. Velasco

Sunday 5th of August 2012
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Agosto 5 (PIA) -- Hindi lamang patubig sa mga lupang tigang o sakahan ang Bustos Dam, sa darating na panahon, ito rin ay magiging puntahin ng mga turista.

Magiging isang Tourism Enterprise Zone (TEZ) na din ito matapos maglagak ng P10 milyon ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) upang masimulan ang rehabilitasyon ng dam at gawing bagong destinasyon para sa turismo.

Kinumpirma ni Bustos Mayor Arnel Mendoza na sinisimulan na ang pagsasa-ayos ng dam sa pamamagitan ng paglalagay ng mga imprastrakturang kailangan.

Base sa plano ng TIEZA at Tourism Development Plan, mananatili pa ring tagasuplay ng patubig ang nasabing dam habang may bahagi nito ang gagawing Water Sports Facilities na kahawig sa pamosong Water Sports Complex sa lalawigan ng Camarines Sur.

Magkakaroon din ng mga river cruise at floating restaurant habang nagsa-sight-seeing. Iba pa rito ang nakalinyang plano para sa paglalagay ng zipline na sikat na sikat na atraksiyong panturismo sa bansa ngayon.

Sinabi pa ni Mayor Mendoza na, “Sa bahagi naman ng mga taga-Bustos, nakatakda kaming magtanim ng mga punla ng puno sa gilid ng Bustos Dam para mapanatili ang tibay nito at hindi bumabaw o mag-silted dahil sa posibleng pagguho ng lupa mula sa riverbanks. So ngayon, makakasabay ng paglaki ng mga puno ang gagawing malakihang pagsasa-ayos ng Bustos Dam.”

Bukod dito matatapos na sa Pebrero 2013 ang phase 2 ng Plaridel arterial road bypass na magpapahaba pa hanggang San Rafael na tatahak sa bayan ng Bustos.

Kapag natapos ito, mabilis nang mararating ang Bustos sa loob lamang ng 10 minuto mula sa North Luzon Expressway (NLEX), nang hindi na dumadaan sa Daang Maharlika. Para kay Mayor Mendoza, tamang-tama ito dahil ngayong iginagayak natin ang Bustos bilang bagong destinasyong panturismo, mayroon pa tayong bagong daan na magbubukas sa Bustos na dati ay nakatago sa Plaridel at Baliwag.

Samantala, binigyang diin din ni Mendoza na napapanahon ang ginagawang pagsasa-ayos ng Bustos Dam dahil din sa mga talang pangkasaysayan nito.

Ayon sa mga talang pangkasaysayan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), ito ang kauna-unahang Rubber Dam sa buong Asya na ipinatayo ni dating Pangulong Diosdado P. Macapagal noong 1963 upang masuplayan ng patubig ang mga lupang sakahan sa bayan ng Plaridel, na dineklara ng huli bilang kauna-unahang lupang agraryo sa buong Pilipinas. (RmB/SFV/PIA-3/BULACAN)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters