Tagalog news: Phase 2 ng Plaridel Bypass sa Bustos, magiging ‘gateway’ ng bayan

By Shane F. Velasco

Wednesday 1st of August 2012
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Agosto 1 (PIA) -- Magiging ‘gateway’ na ng bayan ng Bustos ang nalalapit na pagbubukas ng Plaridel Arterial Road Bypass Project Phase 2.

Kung dati ay dadaanan pa ang mga bayan ng Plaridel o Baliwag para makarating sa Bustos, magiging mabilis na rin ang biyahe mula North Luzon Expressway (Nlex) gamit ang arterial road.

“Kapag nabuksan na ang Plaridel Bypass sa gawi ng Bustos, makikilala na ang aming bayan na bagong destinasyon sa turismo dahil mapapadali na ang pagbibiyahe papasok at palabas ng kamaynilaan,” ani. Mayor Arnel Mendoza.

Sa ngayon, nasa kasagsagan na ang konstruksiyon ng Plaridel Arterial Road Bypass Project Phase 2 mula sa barangay Bulihan hanggang sa kabayanan ng Bustos. Literal itong nakakabit sa Phase 1 na kabubukas lang nitong ika-20 ng Marso 20.

May walong tulay din ang sabay-sabay na ginagawa bilang bahagi ng Phase 2 na kapwa pinondohan ng pamahalaan ng Japan sa halagang P3 bilyon.

Kapag nakumpleto na ang buong Plaridel Arterial Road Bypass Project Phase 2, ang mga bibiyahe patungong Bustos ay papasok na lamang sa Balagtas exit ng Nlex at kayang marating ang nasabing bayan sa loob lamang ng 10 minuto.

Base sa disenyo na ipinalabas ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Regional Office, may kabuuang 22 kilometro ang dalawang linyang bypass road na magtatapos sa barangay Sampaloc sa bayan ng San Rafael. Ito ang nagsisilbing alternatibong mabilis na daan para makaiwas sa mabagal na daloy ng trapiko sa Daang Maharlika.

Binigyang-diin pa ni Mendoza na tamang-tama ang pagkukumpleto ng Plaridel Arterial Road Bypass Project Phase 2 sa nalalapit na rehabilitasyon ng Bustos Dam na iginagayak bilang Eco-Tourism Destination sa tulong ng pondong ibubuhos ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (Tieza).

Bukod sa likas na ganda, makasaysayan din ang nasabing dam dahil ito ang kauna-unahang Rubber Dam sa buong Asya na ipinagawa ni noo’y Pangulong Diosdado P. Macapagal upang magbigay ng patubig sa mga lupang sakahan ng Bulacan, partikular na ang mga lupang agraryo.

Ayon sa Tollways Management Corporation (TMC), tumaas na ang bilang ng mga sasakyan na natututo nang dumaan sa Phase 1 ng bypass road. Patunay dito ang pagiging ruta na ngayon ng mga bus na bumibiyahe patungong Nueva Ecija at rehiyon ng lambak ng Cagayan. (WLB/SFV-PIA3 Bulacan)

Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters