Tagalog news: DENR inilatag ang planong panturismo at pangkalikasan para sa Biak na Bato
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Hulyo 13 (PIA) -- Inilatag na ng Protected Area Management Board (PAMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga programa at pamamaraan upang isulong ang turismo sa Biak na Bato sa San Miguel, Bulacan nang hindi maisakripisyo ang likas na yaman nito.
“Gusto natin na mapalakas ang turismo dito sa makasaysayang Biak na Bato pero dapat mapanatiling buhay ang mga likas na yaman dito. Mahirap na masira ang kalikasan dito dahil wala nang turistang dadayo rito,” ani Benedicto Agbhisit, ng DENR-Bulacan.
Kilala ang Biak-na-Bato bilang isa sa pangunahing makasaysayang lugar sa bansa. Base sa mga talang pangkasaysayan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), nagsilbing ilihan ang lugar na ito ni Heneral Emilio Aguinaldo sa panahon na nagsisimulang sakupin ng mga Amerikano ang Pilipinas. Matatandaan na dito rin ‘itinakas’ ng administrasyon ni Aguinaldo ang pinasinayaan niyang Republika sa Malolos sa panukala ni Heneral Isidoro Torres, na noo’y nanunungkulang gobernador ng Bulacan.
Naging kontrobersiyal din ang Biak na Bato mula noong 2006 hanggang 2010 sa kasagsagan ng pagpapatigil sa ginagawang pagmimina rito ng marmol. Pinangunahan ng pamahalaang panlalawigan at iba’t ibang pansibikong sektor ang adhikaing ito hanggang tuluyang nagpalabas ng kanselasyon sa mining permit ang Bureau of Mines and Geo-Hazard ng DENR noong Disyembre 2010.
Ngayong wala nang nagmimina, pinagtibay ng PAMB ang agarang implementasyon ng iba’t ibang proyektong magbabangon sa kabundukang ito. Pangunahin na rito ang wastong pagpapader o paglalagay ng dike sa ilog ng Balaong sa loob ng Biak na Bato National Park. Layon nitong maiwasan at matigil ang nangyayaring pagguho ng lupa o soil erosion sa parke tuwing panahon ng tag-ulan, na nagdudulot naman ng pagbabaw ng nasabing ilog.
Nakatakda ring isa-ilalim sa rehabilitasyon ang dalawang pamosong Hanging Bridge dahil pawang mga nabubulok na. Ito ay naitayo noong 1998 noong nagdiwang ang bansa ng sentenaryo ng Kalayaan. May halagang P1.5 milyon ang kailangan para sa tuluyang implementasyon ng proyekto.
Kaugnay nito, ayon kay Dr. Reynaldo S. Naguit, dekano ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya sa Bulacan State University, na siya namang kasapi ng PAMB, bahagi pa rin ng pagpapanatili ng balanseng ekolohikal ng Biak na Bato ay ang pagtatanim ng 10,000 punla ng katutubong puno.
Ipinaliwanag ni Naguit na “kung gusto talaga nating maraming tumangkilik sa Biak na Bato, walang ibang paraan kundi ang muling pagsasaberde nito. Hindi lang ito basta pagtatanim ng karaniwang puno kundi pawang mga katutubong puno. Sapagkat sa ganitong paraan, maibabalik ang balanseng ekolohikal ng kabundukang ito.”
Samantala, ayon naman kay Agbhisit, kasalukuyan nang pinag-aaralan ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) kung papaano makakapagtayo ng mga imprastrakturang panturismo nang walang masisirang bahagi ng kalikasan ng Biak na Bato. Layunin nito na maipasok sa ‘radar-screen’ ng mga lokal at dayuhang mamumuhunan ang nasabing lugar upang mapaunlad ang industriya ng turismo sa bayan ng San Miguel. (CLJD/SFV-PIA3)
Number of Comments: 0