Tagalog news: TESDA at Coca-Cola Philippines, magkasangga sa kabuhayan
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Hulyo 16 (PIA) -- Buhay na buhay ang diwa ng Public-Private Partnership (PPP) sa pagsusulong ng programang pangkabuhayan sa Bulacan.
Patunay dito ang ugnayan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Coca-Cola Bottlers Philippines upang makapagkaloob ng maraming oportunidad ng negosyo at hanapbuhay. Ayon kay Cenon Querobin, Provincial director ng TESDA sa Bulacan, “lahat ng uubrang pagkakataon para sa ika-aangat ng buhay ng ating mga kababayan ay gagawin ng TESDA. Layunin namin na magkakaroon ng dignidad ang pamumuhay kung bukas ang mga oportunidad sa paghahanapbuhay.”
Dahil sa kasunduang ito ng TESDA at Coca-Cola Bottlers Philippines, ang dalawang panig ay pipili ng benepisiyaryong tindahan na siyang pahihiramin ng panimula o karagdagang puhunan na nagkakahalaga ng P5000. Wala itong kolateral upang bigyan ng pagkakataon ang mabibiyayaan na payabungin ang mapipiling hanapbuhay.
“linawin natin na hindi lang pagtitindahin ng Coke ang magiging benepisiyaryo. Kahit ano na itinitinda sa mga tindahan ay maaaring ibenta. Kahit ang mga sikat o rolling stores, pwedeng mabiyayaan ng dagdag o panimulang puhunan. Magandang ehemplo ito na ang isang malaking kompanya na umaagapay sa mga maliliit na negosyante," ani Qurobin. "Tayo naman sa TESDA ang magtitiyak na hindi mapababayaan ang pinahiram na puhunan sa kanila. Iba pa riyan ang mga ipagkakaloob na karagdagang pagsasanay ng pamamahala ng negosyo.”
Ito ang unang pagkakataon na magkakatuwang ang TESDA at Coca-Cola Bottlers Philippines sa isang proyektong makapagpapaunlad ng kabuhayan. Kaugnay nito, kasalukuyang nagdiriwang ang nasabing kompanya ng kanilang sentenaryo o ang ika-isandaang taong pagnenegosyo sa Pilipinas mula pa noong 1912.
Samantala, sa mga Bulakenyong nais maging benepisiyaryo ng programang ito, maaaring sumadya sa panlalawigang tanggapan ng TESDA sa kahabaan ng Mac Arthur Highway sa Tabang, Guiguinto o tumawag sa numerong (044) 7944305. (CLJD/SFV-PIA 3)
Number of Comments: 0