Tagalog news: P21B pautang ng Japan, ilalaan sa malawakang rehabilitasyon ng mga pambansang lansangan sa bansa

By Shane F. Velasco

Thursday 5th of July 2012
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Hulyo 5 (PIA) -- Aprubado na ng pamahalaan ng Hapon ang may P21 bilyong pautang sa Pilipinas upang gugulin sa patuloy na modernisasyon at pagmementena ng mga pambansang lansangan o national roads.

Ipinahayag ni Department of Public Works and highways (DPWH) Sec. Rogelio Singson sa ginanap na pagpapasinaya ng isang bagong road bypass project sa Bulacan, na magmumula ang halagang ito na katumbas ng Y400 milyon sa Japan International Cooperation Agency (JICA) sa ilalim ng Road Upgrading and Preservation Project o J-RUPP.

Pangunahing makikinabang sa pondong ito ang dalawang pangunahing national roads ng bansa, ito ang Manila North Road na kilala sa tawag na Mac Arthur Highway na nagsisimula sa Monumento sa Caloocan na tatahak sa mga lalawigan ng Bulacan, Pampanga, Tarlac, Pangasinan, La Union, Ilocos Sur hanggang sa dulong bayan ng Ilocos Norte sa hangganan ng Cagayan sa gawing hilagang silangan ng Luzon.

Buhat naman sa boundary na ito ng Ilocos Norte at Cagayan, magsisimula ang kahabaan ng Daang Maharlika na tinatawag ring Pan Philippine Highway, Philippine-Japan Friendship Highway o DRT Highway. Umaabot ang highway na ito hanggang sa Davao sa Mindanao.

Base sa mga dokumentong inilabas ng DPWH, may apat na phases ang paglalaanan ng proyekto, una na rito ang road upgrading kung saan lalatagan ng aspalto ang kahabaan ng mga national roads na kapantay ng kalidad ng isang aspaltadong expressway gaya ng bagong modernisa na North Luzon Expressway (NLEX) at South Luzon Expressway (SLEX).

Pangalawa, asset preservation contract, naman ang pagpapagawa ng mga sirang heavy equipment ng DPWH na matagal nang nakatambak sa ilang mga district offices nito. Iba pa rito ang pagbili ng mga karagdagang road heavy equipments tulad ng Grader, Bulldozer, Backhoe, mga Truck, Pison at iba pang may kaugnayan sa road construction at maintenance.

Ikatlo, mas magiging regular na ang gagawing preventive maintenance na isasagawa sa mga national roads ng bansa. Halimbawa, kung ang isang bahagi ng kalsada ay may lamat na, hindi na ito patatagalin at agad-agad nang kukumpunihin na gaya pa rin ng isinasagawang preventive maintenance ng mga expressway sa bansa. Pang-apat naman dito ang institutionak capacity development na magpapalakas naman ng kapabilidad ng mga kawani ng DPWH sa pamamagitan ng pagsasagawa ng regular na training na may kaugnayan sa international standard on road maintenance.

Bago pa man ipalabas ng Japan ang halagang ito, sabayang isinailalim sa matinding rehabilitasyon ang dalawang pangunahing lansangan sa bansa na partikular na kapwa matatagpuan sa lalawigan ng Bulacan.

Binigyang diin rin ni Sec. Singson na bukod sa dalawang pangunahing national roads, makakatikim din sa pondong ito ang iba pang national roads sa bansa. Katumbas ng P21 bilyong utang na ito ang halaga na ginastos sa bagong tayong Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), na kapwa Japan rin ang nagpautang noong 2001.

Samantala, ang nasabing utang ay kusang ipinagkaloob ng Japan sa Pilipinas bilang isa sa mga probisyon ng Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA) na nilagdaan sa Helsinki, Finland noong 2006. Isa itong kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa na naglalayong pag-ibayuhin ang kooperasyon sa larangan ng kalakalan, pamumuhunan, trabaho at hanapbuhay, agrikultura at imprastraktura gaya ng road and transport development. (CLJD/SFV-PIA 3)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters