Tagalog News: Bulacan, mas handa ngayon sa panahon ng kalamidad
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Hunyo 14 (PIA) -- Ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ay mas handa na ngayon sa pagharap sa tuwing panahon ng kalamidad.
Ito ang ipinahayag ni Liz Mungcal, pinuno ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), na siyang nangangasiwa sa Bulacan Rescue 566, sa ginanap na forum kamakailan.
Aniya, “Proactive ang approach natin at hindi reactive. Ibig sabihin, bago pa man dumating ang bagyo na nagdudulot ng mga pagbaha, bago man magkaroon ng sunog at ano mang sakuna o kalamidad, pinag-aaralan na natin at gumagawa na tayo ng mga hakbang para hindi ganoon katindi ang maging impact o epekto sa atin. Kung maaari ay hindi tayo maapektuhan.”
Paliwanag pa ni Mungcal, ang pagkakaroon ng ganitong sistema ng kapitolyo ay lalong napaigting mula nang malagdaan ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act (DRRM) of 2010 o ang Republic Act 10121 noong Mayo 27, 2010.
Ang pagpapalit ng katawagan bilang Disaster Risk Reduction sa dating Provincial Disaster Coordinating Center ay pag-angat ng antas ng approach kung paano maiibsan ang epekto ng mararanasang kalamidad dahil napaghandaan na ito.
May limang prayoridad na aksiyon ang PDRRMO, sang-ayon sa itinatadhana ng Republic Act 10121, kabilang rito ang Disaster Preparedness, Risk Assessment, Governance, Knowledge Management, at Vulnerability Reduction. Ibig sabihin nito ay mas mapapalawak pa ang autonomiya ng mga pamahalaang lokal tulad ng pamahalaang panlalawigan sa pagtugon at paghahanda sa kalamidad nang hindi naka-asa nang husto sa pamahalaang nasyonal.
Nabuo ang konsepto ng DRRM noong 2009 kung saan ibinalangkas ang sistematikong pagkilos ng pamahalaan upang maiwasan ang matinding epekto ng pagkasira o pagkawala ng mga ari-arian at ng maraming buhay, pagkakasakit ng marami, kakapusan sa suplay ng relief goods, at iba pang tulad nito.
Bilang bahagi nito at sa mas pinalakas na autonomiya ng kapitolyo, patuloy na namumuhunan ang Bulacan sa pagdadagdag ng mga pasilidad at kagamitan. Una na rito ang bagong Isuzu Fire Truck. Nagiging katuwang din ng kapitolyo ang mga pribadong sektor tulad ng pagkakaloob sa kanila ng isang Toyota Hiace Ambulance.
Sa hiwalay na pulong, ipinahayag ni Provincial Administrator Jim Valerio na magtatayo ang pamahalaang panlalawigan ng mga rain gauges sa bawat bayan at lungsod upang mapalakas ang kakayahan ng kani-kanilang Municipal/City Disaster Risk Reduction Management. Kasama rin dito ang pagtatayo ng mga Barangay Disaster Risk Reduction Management.
Ayon naman kay Arlene Pascual, pinuno ng Provincial Planning and Development Office (PPDO), nailatag na ng kapitolyo ang mga Geological Hazard Mapping upang matukoy kung saan-saang lugar sa lalawigan ang delikado sa panahon ng kalamidad. Bahagi ito ng pagsunod sa itinatadhana ng Republic Act 10121 na may probisyon na kinakailangang may tamang Land-Use Planning ang mga lalawigan, bayan, o lungsod hanggang sa mga barangay.
Matatandaan na matinding nasalanta ng mga bagyong Pedring at Quiel ang lalawigan partikular na ang mga bayan ng Calumpit, Hagonoy, Pulilan, Paombong, at Malolos. Nilubog naman ng lagpas tao na baha ang Calumpit at Hagonoy dahil sa pagkakasabay-sabay ng high tide sa Manila Bay, malakas na buhos ng ulan na dala ng bagyo, at pagpapakawala ng tubig sa Angat Dam. (CLJD/SFV-PIA3)
Number of Comments: 0