Tagalog News: SCTEX, NLEX, TPLEX, at Daang Maharlika, itatali ng CLEX
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Hunyo 9 (PIA) -- Tatlong expressway at isang national road network ang sabay-sabay na magkakabit-kabit sa pagtatapos ng konstruksiyon ng Central Luzon Expressway (CLEX)Phase 2 project.
Sa ginanap na Regional Development Council (RDC) meeting, iniulat ni Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado na tumatayong tagapangulo ng Sectoral Committee on Infrastructure Development (SCID) ng RDC, kasalukuyan nang tinatapos ng pribadong sektor ang paglalatag sa ikalawang bahagi ng CLEX na tatakbo mula Cabanatuan City patungong San Jose City sa lalawigan ng Nueva Ecija. Isinailalim sa Built-Operate-Transfer (BOT) ang sistema ng pagtatayo nito.
May habang 35 kilometro na ikinakabit sa natapos nang CLEX Phase 1 noong Enero 2010 na nagmumula naman sa Tarlac City hanggang Cabanatuan na pinondohan ng Official Development Assistance (ODA) ng Japan. Nagkakahalaga ang buong proyekto ng P34. 8 bilyon.
Base sa mga dokumentong ipinalabas ng Public-Private Partnership (PPP) Center, ang pagtatayo ng CLEX ay isang malaking project component ng Urban Luzon Beltway na bahagi ng Philippine Super Region, isang sistema ng istratehiyang pagtatayo ng mga imprastraktura na ibinalangkas noong 2006.
Bukod sa pagdudugtong ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) na binuksan noong 2008, ng North Luzon Expressway (NLEX) na natapos ang modernisasyon noong 2005, at ang kasabay na itinatayong Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX) na sinimulang gawin noong 2008 at ng Daang Maharlika na tanging daan patungong Cagayan Valley.
Ayon kay Gob. Bella Angara-Castillo ng Aurora, “kailangan talagang matapos itong CLEX para naman kaming mga eastern provinces ng Central Luzon ay tuluyan nang umunlad. Para naman ang mga Niyog, Pinya at iba pang agricultural products namin ay maimarket namin nang husto.”
Bukod sa CLEX, nais din ng gobernadora na magkaroon na pahabain ang SCTEX hanggang Baler o Dingalan upang ang bagong tayong pantalan lalo na sa Dingalan ay maikabit at sumigla pa ang kalakalan sa bahaging iyon ng rehiyon. Matatandaan na taong 2007 nang tuluyang buksan ang Dingalan International Port na sumasalo ng mga kalakal at pangunahing bagsakan ng komersiyo mula United States, Canada, Mexico o anumang bansa na tumatawid ng Pacific Ocean. Ang sistema, mula nang maitayo ang pantalan, hindi na umiikot sa Batanes o sa Bicol ang mga barkong may dalang kalakal upang dumaong sa North at South Harbor sa Maynila. Kundi derecho na sa Dingalan ang pagdaong, ibababa ang mga kalakal, isasakay sa mga trak, at saka ibibiyahe patungong Clark, Subic, Metro Manila o maging ng Baguio sa pamamagitan ng Dingalan Tarlac road, sasampa ng SCTEX hanggang makalusot sa NLEX.
Binigyang diin naman ni Gob. Hermogenes Ebdane ng Zambales, na limang taong naging secretary ng DPWH mula 2005 hanggang 2010 at kabilang sa mga nagpatupad ng Super Region, na kinakailangang patuloy na magkaisa ang mga gobernador ng rehiyong ito ng gitnang Luzon dahil ¾ ng pambansang ekonomiya ay dito umiikot. Ipinahayag niya na “determinado kami na matapos ang mga infrastructure projects na ito by 2013. Let us be more realistic, sasabihin nila dahil election year, pero sa totoo lang 3 years ang standard talaga sa project implementation sa mga infrastructure.”
Samantala, kapag natapos ang 64 kilometrong kabuuang disenyo ng CLEX na may 4 na linya o tig-2 linya na salubungan gaya nang sa SCTEX, mapapabilis ang biyahe mula sa Daang Maharlika sa bahagi ng San Miguel, Bulacan patungo sa mga lungsod ng Cabanatuan at San Jose sa Nueva Ecija sa hilaga at maging sa patungong Tarlac hanggang Iba sa Zambales sa gawing kanluran nito. Kung galing naman ng SCTEX ang sasakyan, maaari nang dumerecho sa Bulacan gamit ang CLEX, kung taga San Miguel, San Ildefonso, San Rafael, Dona Remedios Trinidad at maging taga Baliwag nang hindi na gagamit ng NLEX. Ayon naman sa feasibility study ng JICA o Japan International Cooperation Agency, makakatulong itong magpaluwag ng daloy ng trapiko sa Pulilan at Sta. Rita Exits ng NLEX at maging ng Daang Maharlika. (CLJD/SFV-PIA3)
Number of Comments: 0