Tagalog news: Diskwento Caravan ng DTI, magtitinda ulit sa Araw ng Kalayaan
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Hunyo 6 (PIA) -- Murang paninda at karagdagang insentibo. Iyan ang sasalubong sa mga mamimiling Bulakenyo ngayong muli na namang aarangkada ang Diskwento Caravan ng Department of Trade and Industry o DTI.
Magiging tampok ito sa ika-114 Guning Taong Pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa makasaysayang simbahan ng Barasoain kung saan si Pangulong Benigno Simeon ‘Noynoy’ Aquino III mismo ang panauhing pandangal.
“Makakabili nang kasing kalidad na mga produkto sa mga pangunahing pamilihan ang mga mamimili dito sa Diskwento Caravan. Ang kaibahan, makakatipid sila rito ng hanggang 10 porsiyento o 10% off eka nga. Iba pa riyan ang iba’t ibang freebies tulad ng buy one take one at mga libreng paninda na nakadikit na sa mga bibilin na produkto,” ayon kay Dick de Dios, officer-in-charge sa Consumer Welfare Division ng DTI-Bulacan.
Ipinaliwanag naman ni Zorina Aldana, pinuno ng DTI-Bulacan, na pangunahing layunin ng Diskwento Caravan na tulungan ang mga manggagawang kumikita ng katamtaman o iyong mga minimum wage earners.
“Handog ng DTI sa bawat karaniwang manggagawa at maliliit na negosyante ngayong Araw ng Kalayaan ang mas murang mga paninda sa Diskwento Caravan. Dito binibigyang pagkakataon na ang kinita nilang sweldo ay makabili nang mas marami sa karaniwang nabibili lamang ng isang minimum wage earners kaya isang pagkakataon ito na samantalahin lalo na ang mga naghahabol pang makabili ng mga gamit sa pag-aaral ngayong pasukan,” aniya.
Kaugnay nito, pinakamaraming paninda sa Diskwento Caravan na ito na kagamitang pang-eskwela at mga damit na pamasok sa paaralan. Aabot sa 20 mga booths o pwesto ang nakatakdang itayo sa gilid ng simbahan ng Barasoain na malapit sa kampanaryo nito. Para naman sa mga magsisipagtinda, walang babayaran na kahit na ano ang mga ito dahil subsidiya na ng DTI ang upa sa bawat pwesto. Iba pa rito ang libreng pagkain na ipagkakaloob ng DTI sa bawat magsisipagtinda bilang bahagi ng insentibo naman sa kanilang sektor.
“Kahit discounted ang mga paninda nila, libre naman sila sa pwesto at tiyak na maraming bibili sa mga paninda nila,” ayon pa kay Aldana. (CLJD/SFV-PIA 3)
Number of Comments: 0