Tagalog news: 2 pinuno ng Kidapawan Water District tumanggap ng diploma sa Lund University ng Sweden
LUNGSOD NG KORONADAL, South Cotabato, Dis.7 (PIA) -- Dalawang senior managers ng Metro Kidapawan Water District (MKWD) sa lungsod ng Kidapawan, North Cotabato ang nakatanggap kamakalawa ng Diploma for Sustainable Urban Water and Sanitation – Integrated Processes mula sa Lund University Commissioned Education ng Sweden matapos nilang makumpleto ang 18 buwang international study.
Kabilang sa 21 partisipante sa 5th Sida-financed international training program ng Department of Water Resources Engineering ng nabanggit na unibersidad sina MKWD commercial services head Maria Judith Enriquez at administrative and finance head Lalaine Wittara ng nasabing lungsod.
Binuo ng dalawa ang team Philippines kasama ang mga senior managers na sina Arnold Alindada ng Department of Health-Bureau of Food and Drugs sa Rehiyon 11 at Maria Geneva Depra ng Bureau of Plant Industry-Davao Pesticide Analytical Laboratory.
Nabatid na ilan din sa mga partisipante ay nagmula sa mga bansang China, Sri Lanka, Tanzania, Uganda at Zambia.
Bago pa man nila nakamit ang diploma ay kinakailangan nilang tuparin ang mga kailangan ng bawat bahagi ng international program.
Una ay ang preparation phase para sa pagsasagawa ng proyekto hinggil sa water and sanitation, pangalawa ay ang pagbuo ng mga partisipante ng sarili nilang proyekto base sa kanilang natutunan sa Sweden, pangatlo ay ang pagpapatupad ng mga naturang proyekto pagbalik sa kani-kanilang bansa, pang-apat ay ang ebalwasyon sa mga proyektong ipinatupad at panglima ay ang pagsasagawa ng follow-up sa loob ng anim na buwang nakalipas at pagtatala sa mga pagbabagong nangyari na inilathala sa isang aklat.
Isang integrated water, sanitation and hygiene project ang ipinatupad ng dalawa sa Sitio Embassi sa Barangay Perez at Sitio Sumayahon sa Barangay Ilomavis, kapwa nasa paanan ng Mount Apo.
Kaugnay nito, abot sa 37 mga palikuran ang naipagawa sa dalawang project sites na nakatulong sa mga residente sa lugar gayong ito ang pangunahing problema ng mga Bagobo doon. (SJDuerme-PIA12)
Number of Comments: 0