Tagalog news: Libreng operasyon, isinagawa sa Maguindanao

By Shahana Joy E. Duerme

Monday 10th of September 2012
LUNGSOD NG KORONADAL, Set 10 (PIA ) -- Nagkaloob kamakailan ng libreng pag-opera sa mga Internally Displaced Persons (IDPs) sa Shariff Aguak, Maguindanao ang ilang mga doktor mula sa nabanggit na lalawigan at maging sa mga lungsod ng Cotabato at Dabaw.

Nabatid na halos lahat ng mga benepisyaryo ay mga Moro at Teduray na apektado ng nangyaring kaguluhan sa nabanggit na lalawigan kamakailan.

Ayon kay Maguindanao Integrated Provincial Health Office (IPHO) Chief Dr. Tahir Sulaik, ito na kanilang ika-siyam na taong paglilingkod sa ilalim ng programang “Libreng Gamutan: Harirayang Handog ng IPHO-Maguindanao” na isinasagawa pagkatapos ng isang buwang pag-aayuno.

Ilan sa mga libreng operasyon na inihandog ay may kinalaman sa obstetrics, gynecology, ears-nose and throat (ENT) at ilang mga minor surgeries.

Nagkaloob din ang mga doktor ng mga libreng serbisyo katulad ng digital rectal examinations, drug testing at dental services.

Sinabi ni Sulaik na abot sa 10,000 mga pasyente ang nakinabang sa naturang serbisyo.

Ayon pa sa opisyal, layon nila na matulungan at mabigyan ng libreng serbisyong pangkalusugan ang mga kapus-palad na mamamayan lalung-lalo na sa mga lugar na parating naaapektuhan ng bakbakan.

Katuwang ng mga duktor ng Maguindanao Provincial Hospital sa isinagawang pag-oopera ang mga manggagamot mula sa Cotabato Regional and Medical Center sa Cotabato City at ang Southern Philippines Medical Center sa Davao City. (SJDuerme-PIA12)

Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters