Tagalog news: Programang CDevComNet ng PIA 12, umarangkada na
LUNGSOD NG KORONADAL, Agosto 8 (PIA) -- Nagsimula na ang programang Campus Development Communicators Network (CDevComNet) ng Philippine Information Agency (PIA) 12 kamakailan.
Unang nakilahok sa programa ang mga estudyanteng manunulat ng Sultan Kudarat State University (SKSU)-Access Campus sa Tacurong City, Sultan Kudarat.
Layunin ng programang ito na makabuo ng grupo ng mga kabataan sa iba’t-ibang state universities at colleges sa boung Rehiyon Dose na siyang magsisilbing mga mamamahayag sa kani-kanilang mga pamantasan maging sa kanilang komunidad.
Kaugnay nito, dalawang araw na workshop patungkol sa news writing for print and broadcast na siyang pinangunahan ni PIA 12 Regional Director Olivia Sudaria ang isinagawa.
Abot naman sa 30 mga estudyante ang dumalo sa nasabing aktibidad kung saan sila ay tinuruan ng tamang pagsusulat ng balita, pakikipanayam at pagbabalita sa sahimpapawid gamit ang istasyon ng radyo sa pamantasan.
Sa unang araw,itinuro ni Dir. Sudaria ang mga kaalaman sa pagsusulat ng balita para sa print media samantalang sa ikalawang araw naman ay tinuruan naman ni Venjie Fermalino, announcer at producer sa istasyong DXKI-Koronadal ang mga kabataan sa pagsusulat ng balita para sa broadcast media.
Samantala, nagpahayag naman ng kanyang pasasalamat si Director for Special Program and Linkages at siya ring Program Manager ng Radyo Katilingban ng SKSU Prof. Gemma Constantino.
Ani Constantino, ito ay isang magandang oportunidad sa paghubog ng mga kakayahan ng kabataan sa larangan ng pamamahayag.
Nakatakda namang bisitahin ng PIA 12 ang iba pang mga pamantasan sa Soccsksargen region upang magsagawa ng parehong aktibidad.
Inaasahang sa programang ito,bilang itinuturing na mga iskolar ng bayan, maibabalik ng mga kabataan sa taong-bayan ang tulong mula sa gobyerno sa pamamagitan ng simpleng pagbibigay impormasyon. (SJDuerme-PIA12)
Number of Comments: 0