Tagalog news: Kabacan, N.Cotabato,pinaiigting ang kampanya kontra kriminalidad

By Shahana Joy E. Duerme

Wednesday 8th of August 2012
LUNGSOD NG KORONADAL, Agosto 8 (PIA) --Todo ang pagpapaigting ng kampanya kontra kriminalidad ng magkatuwang na otoridad sa Kabacan, North Cotabato at sa buong sa Rehiyon 12.

Ayon kay Task Force Chrislam Head Police Insp. Tirso Pascual, ang kanilang grupo ay gumagawa ng monitoring sa mga matataong lugar sa Kabacan lalung-lalo na tuwing market day.

Maliban sa mga palengke puspusan din ang ginagawang pagbabantay ng mga pulis sa Kabacan Terminal Complex, national highway at maging sa University of Southern Mindanao (USM) Avenue.

Nabatid na ang naturang kampanya ay isinagawa matapos maitala ang sampung kaso ng patayan sa naturang bayan sa buwan lamang ng Hulyo ngayong taon.

Dagdag pa dito, abot sa mahigit 40 katao ang nahuli dahil sa talamak na pagtutulak ng ipinagbabawal na gamot.

Patuloy naman sa pagsasagawa ng follow-up operations ang mga pulis upang tuluyan nang maalis ang bayan ng Kabacan sa top illegal traders ng PDEA watch list.

Ang nabanggit na kampanya ay pinangungunahan ni Kabacan PNP Chief Supt. Raul Supiter kaagapay ang Regional Mobile Public Safety Battalion, Cotabato Police Public Safety Company sa pamumuno ni Supt. Alex Tagum at ang Cotabato Police Provincial Command sa liderato ni Deputy for Operation Supt. Joseph Semillano.

Naniniwala naman ang mga lokal na opisyal sa nasabing bayan na sa pamamagitan ng hakbang na ito, mababawasan ang kriminalidad at magiging ligtas ang lugar para sa mga mamamayan. (SJDuerme-PIA12/RBeñez-DXVL)
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters