Tagalog news: Mlang LGU pinasinayaan ang bagong slaughterhouse
LUNGSOD NG KORONADAL, Agosto 7 (PIA)-- Nanguna ang Local Government Unit (LGU) ng bayan ng Mlang sa lalawigan ng Cotabato sa isinagawang inagurasyon nitong nakalipas na Huwebes ang bagong slaughterhouse na itinayo sa Barangay Buayan.
Nabatid na naglaan ng abot sa P4 na milyon ang National Meat Inspection Services (NMIS) at isa pang P4 na milyon mula naman sa lokal na pamahalaan ng Mlang upang maisakatuparan ang pagtatayo ng naturang pasilidad na itinuturing na pinakaunang slaughterhouse sa lalawigan ng Cotabato na patatakbuhin ng isang LGU.
Naglaan din ng dagdag na P1 milyon ang nasambit na bayan para sa ground improvement at mga slaughtering equipment.
Sinabi ni Mlang Mayor Joselito Piñol na ang proyektong ito ay natatangi sa buong Central Mindanao.
Napag-alaman na ang mga serbisyo ng bagong slaughterhouse sa bayan ng Mlang ay bukas hindi lamang sa nabanggit na bayan kundi pati na rin sa karatig na mga lalawigan katulad ng Maguindanao, Sultan Kudarat at Davao. (SJDuerme-PIA12)
Number of Comments: 0