Tagalog news: P100-M pondo inilaan sa pagsasaayos ng tulay sa North Cotabato

By Shahana Joy E. Duerme

Tuesday 7th of August 2012
LUNGSOD NG KORONADAL, Agosto 7 (PIA) -- Aabot sa mahigit P100 milyon ang pondong inilaan ng pamahalaang nasyunal katuwang ang 1st Congressional District ng North Cotabato para sa Raradangan Bridge Rehabilitation Project sa bayan ng Alamada.

Ang nabanggit na halaga ay pinatotohanan ni Congressional District Office Political Affairs Officer VI Engr. Jerry Piedad.

Kaugnay nito, inihahanda na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) 1st District Engineering ang mga dokumento upang masimulan ang nasabing proyekto.

Nabatid na noong 2009, nagpagawa ang provincial government ng bailey bridge upang pansamantalang magamit ngunit nasira din ito nang humagupit ang bagyong Frank.

Dahil dito, sinikap ng First Congressional District sa pangunguna ni Cong. Jesus Sacdalan na idulog sa pamahalaang nasyunal ang problema upang maaksyunan.

Samantala, kasalukuyang umaasa naman ang mga mamamayan sa bayan ng Alamada na maisaayos na ang tulay sa madaling panahon.

Ang Raradangan Bridge ay ang pangunahing tulay na ginagamit ng mga residente sa lugar upang mailuwas sa merkado ang kanilang mga produkto. (SJDuerme-PIA12/RBeñez-DXVL)

Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters