Tagalog news: Oplan Bitag Sasakyan, inilunsad sa Kidapawan City

By Shahana Joy E. Duerme

Friday 6th of July 2012
LUNGSOD NG KORONADAL, July 6 (PIA)--Inilunsad kahapon, Hulyo 5 ang Oplan Bitag Sasakyan sa Kidapawan City , North Cotabato kaugnay ng mas mahigpit pagpapatupad ng “No Helmet, No Travel Policy” para maiwasan ang dumaraming aksidente sangkot ang mga motorista.

Matatandaang halos lahat nang naitalang namatay sa mga aksidente ng mga sasakyan ay yaong walang suot na protective gears habang bumibiyahe.

Nabatid na inilunsad ang naturang programa bilang tugon na rin sa maraming batas trapiko na nilalabag ng mga drayber.

Kaugnay nito, abot sa 138 na mga motorista na bumabaybay sa Kidapawan-Matalam highway ang nahuli kahapon. Sa bilang na ito, 59 sa kanila ay kinumpiskahan ng driver’s license, 48 na mga drayber ang inisyuhan ng temporary operator’s permit o citation tickets mula sa Land Transportation Office (LTO) dahil sa pagmamaneho na walang helmet at walang mga kaukulang papeles samantalang kinuha naman ang plate cards ng 18 motorsiklo at 13 iba pang sasakyan.

Ayon kay Kidapawan City Police Director Supt. Renante Cabico, ginawa nila ang inspeksyon kaugnay ng serye ng pagpatay sa mga bayan sa lalawigan ng Cotabato maging sa Sultan Kudarat na pinaniniwalaang sanhi ng riding-in-tandem.

Ang Oplan Bitag Sasakyan ay inilunsad sa Kidapawan City katuwang ang operatiba ng Cotabato Public Safety Company, police units ng mga bayan ng Mlang, Matalam, Kabacan, Tulunan, Magpet, Antipas, Arakan, President Roxas at Makilala kaagapay din ang mga elemento ng City Tricycle Franchising and Regulatory Board at mga kawani ng LTO. (SJDuerme-PIA12)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters