Tagalog news: Surallah mayor, suportado ang ALS E-learning
LUNGSOD NG KORONADAL, Hulyo 5 (PIA) -- Todo suporta ang mayor ng Surallah, South Cotabato sa bagong tatag na E-learning sa ilalim ng programang Alternative Learning System (ALS) ng naturang bayan bilang makabagong pamamaraan ng pagtuturo.
Kaugnay nito, naglaan ang lokal na pamahalaan ng Surallah, sa ilalim ni Mayor Romulo O. Solivio Sr., ng P60,000 para sa pagpapatuloy ng nabanggit na modernong sistema ng pagtuturo.
Sa pamamagitan ng E-learning, isang "virtual instructor" sa kompyuter ang magtuturo sa mga mag-aaral ng ALS. Ibig sabihin, gagamit ng kompyuter ang mga estudyante sa kanilang mga pagsusulit at aralin.
Sa isinagawang pagpapasinaya ng programa kamakailan, pinangunahan ni Surallah North ALS Coordinator Maria Judith Magbanua ang presentasyon ng E-learning at itinuro ang tamang paggamit nito.
Samantala, sa kanyang mensahe, kinatigan din ni Department of Education Regional Director Deborah Adrales ang bagong pamamaraan na ito.
Aniya, ang pag-aaral ay isang patuloy na proseso kaya’t kailangang magkaroon ng mithiing matuto upang makamit ang mga hangarin sa buhay.
Layunin ng E-learning na maturuan ang mga estudyante sa pamamagitan ng paggamit ng modernong teknolohiya. (SJDuerme-PIA12)
Number of Comments: 0