Tagalog news: PNP-ARMM todo handa sa gun ban para sa ARMM voters re-registration
LUNGSOD NG KORONADAL, Hulyo 3 (PIA) -- Todo sa paghahanda ngayon ang mga otoridad sa buong Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa pagpapatupad ng "gun ban" para sa nalalapit na general re-registration ng mga botante sa rehiyon ngayong Hulyo 9.
Kaugnay nito, abot sa 900 na mga barangay ang nasa watchlist ng Philippine National Police (PNP) kung saan 368 sa mga ito ay itinuturing na “areas of concern” at 532 naman ang kinukonsiderang “areas of immediate concern.”
Ayon kay PNP-ARMM Deputy Director for Operations Sr. Supt. Alberto Supapo, magiging mahigpit ang seguridad lalung-lalo na sa ilang mga lalawigan ng ARMM.
Aniya, sa ngayong nagsimula na ang pagpapatupad ng total gun ban, suspendido umano ang lahat ng mga “permit to carry firearm outside residence” ng mga sibilyan alinsunod sa kautusan ni PNP Chief Director-General Nicanor Bartolome.
Dagdag pa niya, tanging ang mga sundalo at pulis lamang ang maaring magdala ng baril.
Sa kanilang tala, ang lalawigan ng Maguindanao ang may pinakamaraming "areas of immediate concern" na umaabot sa 377, sumunod ang Lanao na may 107, Sulu at Basilan na may 29 at 18. (SJD-PIA12)
Number of Comments: 0