Tagalog news: Reading program ng Sarangani, nakatulong sa mahigit 27, 000 na mga bata
LUNGSOD NG KORONADAL, Hunyo 1 (PIA) -- Abot sa 27,098 na mga bata ang natulungan ng programang “Sarangani Big Brother: Reading is Fun!” ng probinsya sa limang taong serbisyo nito.
Kaugnay nito, abot din sa 1,263 na mga guro at 3,759 na mga youth volunteers ang nagtulung-tulong upang maisagawa ang naturang adhikain.
Ayon kay Quality Education for Sarangani Today (QUEST) Program Manager Annalie Edday, ang reading program o kasanayan sa pagbabasa ay nakatulong na bawasan ang bilang ng mga kabataang dropped out o hindi na nagpapatuloy sa pag-aaral dahil sa kahinaan sa pagbasa.
Samantala, sa mensaheng ipinadala naman ni Union Congress of the Philippines (TUCP) partylist Rep. Raymond Mendoza, iginiit niyang ang edukasyon ang siyang daan upang makaahon sa kahirapan.
Kaugnay nito, hinamon ni Mendoza ang mga guro at mga kabataang boluntaryo na patuloy na ikintal sa isip ng mga kabataan ang kahalagahan ng edukasyon.
Matatandaang isa ang “Sarangani Big Brother: Reading is Fun!”sa mga programang isinusulong ng Sarangani upang mabago at mapaunlad ang sistema ng edukasyon sa probinsya.
Ang 15-day remedial reading program na ito ay sinimulan at itinaguyod ng Provincial Government ng Sarangani kaakibat ang Department of Education (DepEd), Sangguniang Kabataan (SK), at Alcantara Foundation.
Layunin ng programang ito na mapabuti at maitaas ang reading skills o kakayahan sa pagbabasa ng mga batang papasok bilang grade 2 at 3 o tinatawag na “frustration and instructional readers”. (DEDoguiles/SJDuerme-PIA12)
Number of Comments: 0