6-month feeding program, inilunsad sa Navotas

By Jose Rafael Cesar Atencio

Wednesday 8th of August 2012
LUNGSOD NG NAVOTAS, Agosto 8 (PIA) - Inilunsad noong nakaraang Lunes, Agosto 6 ang isang anim na buwang Citywide Feeding Program sa pangunguna ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Nutrition Month.

Bagaman bumaba ang bilang ng insidente ng malnutrisyon sa mga batang edad 0 hanggang anim na taon sa bilang na 1,413 ngayong taon mula 1,733 noong nakaraang taon, sinimulan muli ang programa sa 14 na barangay upang mapaganda ang kanilang kalusugan.

Sa programang ito, sinisuguro ng mga kawani ng Barangay Health Centers na mabigyan nila ang mga kabataang malnourished sa kanilang lugar ng sapat at masustansiyang pagkain. Katulong nila sa gawaing ito ang Sangguniang Kabataan.

Isasailalim din ang kanilang mga magulang sa libreng mga seminar ukol sa tamang pangangalaga sa kalusugan ng kanilang mga anak.

Ayon kay Tiangco, bumaba rin mula 4.3 porsiyento sa 3.8 porsiyento ang ibinabang kaso ng malnutrisyon sa lungsod simula noong nakaraang taon.

Dahil dito, binigyang-pagkilala ng punong lungsod ang mga bumubuo ng Navotas City Nutrition Office dahil sa kanilang kakayahang ipinamalas.

Ani ni Mayor Tiangco, “Nilalayon ng lokal na pamahalaan ng Navotas na tuluyang maubos ang bilang ng mga kabataang kinakailangang dumaan sa ganitong programa na nangangahulugang wala ng malnourished na bata sa lungsod.”

Samantala, kasalukuyang inoorganisa ang isang On-the-spot Art Contest at seminar-workshop on vegetable gardening upang mahikayat ang mga taga-Navotas na kumain at magtanim ng gulay kaugnay ng layunin ng lokal na pamahalaan na makamit ang Zero Malnourishment Rate pagdating ng taong 2013. (Navotas PIO/RJB/JRCA-PIA NCR)
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters