Tagalog news: Red Cross rumesponde sa pagbaha
LUNGSOD NG NAVOTAS, Agosto 1 (PIA) -- Rumesponde ang Philippine Red Cross (PRC) Emergency Response Teams sa mga binabahang lugar sa lungsod ng Navotas nitong umaga ng Miyerkules.
Sinabi ni PRC Secretary General Gwendolyn Pang sa isang press statement, ang Navotas Red Cross Chapter ay tumulong na sa lokal na pamahalaan dito sa pagsasagawa ng preemptive evacuation ng 78 pamilya o 390 katao at namigay ng hygiene kit.
Ayon kay Pang, pinakalat na ng pamunuan ng PRC ang 143 volunteers nito sa nasabing lungsod upang matyagan ang kaganapan doon.
Malakas ang alon sa Navotas fish port complex, ayon kay Police Officer 3 Lina Estiller ng Philippine National Police (PNP) Maritime Group sa isang phone interview ng PIA-NCR.
Samantala, sinabi ni Jayne Banayad, tagapagsalita ng lungsod ng Navotas, sa isang mensahe sa text na sa ganap na alas-10 ng umaga ay 210 pamilya o 1,500 katao na ang naitala nilang nailikas dahil sa pagbaha mula sa mga mga Barangay ng Tangos, San Roque, Daanghari, San Jose, Sipac, Navotas West at Bangkulasi.
Sabi pa ni Banayad, nagsasagawa na ng rescue at evacuation operation ang mga kagawad ng local disaster risk reduction management office.
Ang mga inilikas na nasa mga barangay hall at pampublikong paaralan at inaasikaso ng Navotas City Social Welfare Development Office.
Sa ngayon, lampas tuhod pa ang baha sa ilang bahagi ng Navotas. Nasira na rin ang mga riverwall at pumping station sa mga ng Barangay Bangkulasi, San Jose at Bagumbayan South, ayon pa kay Banayad. (RJB/JRCA/Phl Red Cross Navotas-PIA NCR)
Number of Comments: 0