Tagalog news: Tondo girl, wagi sa ‘Nutrition Month’ gulay poster making contest
SAN JUAN CITY, July 26 (PIA) -- Isang mag-aaaral mula sa Tondo, Manila ang nakasungkit ng unang pwesto para sa katatapos na 2012 National Nutrition Month On-the-Spot Poster Making Contest na ginanap sa San Juan City Gymnasium sa lungsod na ito.
Panalo si Geraldine Binayug na nasa ikaapat na taon sa Tondo High School. Nakamit niya ang 94.33 puntos upang manalo sa paligsahan.
Ikalawang pwesto naman si Egi Boy Mirabueno ng Batasan Hills National High School sa Batasan Hills, Quezon City matapos makakuha ng 93.67 puntos at ikatlo si Christian Allauigan ng San Juan National High School na mayroong 90.33 puntos.
Iniabot nina NNC-National Capital Region Program Coordinator Milagros Federizo at Department of Education (DepEd)-National Capital Region (NCR) School Health and Nutrition Unit Officer-In-Charge Ernela-Celia Coronel ang mga papremyong kinabibilangan ng mga gift item.
Ang patimpalak ay naglalayong hikayatin ang sambayanan na kumain ng gulay upang maging malusog, masigla at masayahin. (RJB/JRCA/PIA-NCR)
Number of Comments: 0