Tagalog news: 7 pampublikong guro, nagpasalamat sa libreng pabahay sa Bistekville, QC
LUNGSOD NG QUEZON, Hunyo 21 (PIA) -– Matapos ang mahabang panahon na walang sariling bahay, pitong guro sa isang pampublikong paaralan sa Quezon City ang tumanggap ng libreng pabahay mula sa pamahalaang lungsod.
Tinanggap ng mga guro ang pabahay mula sa pamunuan ng Philippine Air Force (PAF) at Quezon City Government sa isang simpleng palatuntunan sa Bistekville 1, Payatas nitong Martes, Hunyo 19.
Sina PAF Commanding General Lt. Gen. Lauro Catalino G. Dela Cruz at ang kinatawanan ni QC Schools Division Superintendent Dr. Corazon Rubio ang nag-abot ng mga susi sa pabahay sa mga guro na kasama ang kani-kanilang mga pamilya.
Kabilang sa mga benepisaryo ay sina Charito Luistro, Evangeline Martin, Marissa Pio, Aileen Canonicato, Joy Tadefa, Criselda Tumaliuan, at Jacqueline Angoluan. Sila ay nagtuturo sa Justice Cecilia Muñoz Palma High School (JCMPHS), na nasa tabi ng Bistekville 1.
Ayon sa PAF, ang 355th Air Engineering Wing (AEW) Command ang nagboluntaryo na gawin ang row houses, sa pakikipagtulungan ng Habitat Philippines’ Nation Building sa ilalim ng Habitat for Humanity Philippines (HFHP).
Sa kanyang talumpating pagtanggap, pinasalamatan ni Canonicato si QC Mayor Herbert Bautista sa naturang pabahay dahil ang naturang proyekto ay makakapagbigay ng oportunidad sa mga mahihirap na manggagawa na magkaroon ng abot-kaya at sarili nang tahanan.
Kanya ring pinasalamatan si Rubio dahil sa paggawa ng listahan ng mga guro na kwalipikadong magkaroon ng pabahay sa Bistek Ville. (PAF/RJB/JRCA-PIA NCR)
Number of Comments: 0