Tagalog News: Mga barberya sa QC, puno sa bisperas ng pasukan

By Jose Rafael Cesar Atencio

Monday 4th of June 2012
LUNGSOD QUEZON, Hunyo 4 (PIA) -- Isang araw bago magbukas ang klase sa Kamaynilaan, napuno ang ilang barberya sa may Novaliches, Quezon City ng mga lalaking mag-aaaral at guro bilang paghahanda sa pasukan sa mga pampubliko at pribadong paaralan.

Alas-7:00 a.m. ay puno na ang Licel’s Barber Shop na matatagpuan sa Old Sauyo Road ng mga parokyano.

“Kapag ganitong panahon na magpapasukan, lalo na bisperas ng pagbubukas ng klase ay dagsa na ang mga bata at guro,” ayon kay Lito Camillo, may-ari ng Licel’s Barber Shop.

Nakapanayam ng Philippine Information Agency (PIA) si Camillo habang nagugupit sa mga parokyano niya.

Sabi pa ni Camillo, ang pagpapagupit ay bilang tanda ng maayos na pananamit at personahe sa loob at labas ng paaralan. Base kasi sa ilang kalatas na inilabas ng Department of Education (DepEd), dapat ay laging maayos at malinis sa pagbibihis ng mga mag-aaaral at guro.

Isang college drop-out si Camillo. Hindi niya natapos ang kursong B.S. Animal Husbandry sa De La Salle University-Araneta University Foundation (DLSU-AUF) sa Caloocan City noong taong 1980.

“Natuto akong maging barbero dahil negosyo ito ng tatay ko sa lalawigan namin sa Pangasinan,” ayon kay Camillo.

Ang maybahay naman ni Camillo na si Aling Licel ay retiradong beautician na nagtapos ng kursong cosmetology sa Samson Institute of Technology sa Maynila noong 1981.

Tumutulong na lamang si Aling Licel kay Camillo bilang kahera ng barberya. (RJB/JRCA-PIA NCR)
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters