Tagalog news: Antipolo livelihood office puspusan ang pagpapaunlad sa mga ko-op
ANTIPOLO CITY, Rizal, Hulyo 30 (PIA) -- Ginanap kamakailan ang ilang seminar tulad ng basic accounting for non-accountants, leadership and values re-orientation, financial management at basic cooperative course upang mapaunlad ang sektor ng kooperatiba sa siyudad ng Antipolo.
Ito ay sa pamununo ng City Cooperative and Livelihood Office (CCLO).
Sinabi ni Weng Zapanta, namumuno sa CCLO, na malaki ang potensyal ng mga kooperatiba sa Antipolo na magtagumpay at lumago.
“Malaki ang paniniwala ng ating pamunuan sa potensyal ng mga kooperatiba sa siyudad. Sa bilang lang ng mga kooperatiba natin na matagumpay sa kanilang operasyon, dumarami ang mga miyembro nito na nagtatagumpay din. Upang magtuloy-tuloy ang magagandang proyekto nila, minabuti naming gabayan sila nang maigi at tulungan sila sa anumang paraan sa abot ng aming makakaya,” sabi ni Zapanta.
Sa loob ng ilang buwan ay naglatag ng samu’t saring kurso ang CCLO upang mas lalong mahasa ang kakayanan ng mga namumuno sa mga kooperatiba, gayundin sa mga miyembro nito.
Ayon pa kay Zapanta, ilan lang ito sa alam nilang makakadagdag sa kakayanang mamuno ng mga liderato ng iba’t ibang kooperatiba.
“Malaki ang tiwala ng pamunuan sa mga mga kooperatiba sa siyudad natin. Kaya nga kabilin-bilinan ni Mayor Leyble na huwag pababayaan ang mga miyembro nito. Nagpapasalamat kami sapagkat binibigyan nila ng pagpapahalaga ang mga hinahanda naming programa para sa kanila. Sa pakikipag-ugnayan ng CCLO sa pamunuan ng Antipolo City Cooperative Federation (ACCFED) at Antipolo City Cooperative Development Council (ACCDC), napag-uusapan naming maayos ang mga suliranin ng mga kooperatiba at tulong-tulong na ginagawaan ng kasagutan ang kanilang mga problema,” dagdag pa ni Zapanta.
Napapaloob sa programa ni Mayor Nilo Leyble na NILO CARES ang pagpapalakas ng mga kooperatiba sa siyudad at pagpapalaganap ng pangkabuhayan o livelihood sa mga komunidad. (CPG/GG-PIA 4A/Antipolo PIO)
Number of Comments: 0