Tagalog News: Bagong Grading System ipatutupad ng DepEd
LUNGSOD NG KORONADAL, Hunyo 7 (PIA) -- Kasabay ng pagpapatupad ng K to 12 Basic Education Program ngayong pasukan papalitan na rin ang sistema ng pagbibigay ng grado sa mga mag-aaral ayon sa opisyal ng DepEd sa Rehiyon 12.
Hindi na ang tradisyunal na numerical grading system ang makikita sa report card ng mga estudyante, sa halip gagamitin na ng kagawaran ang descriptive system.
Paliwanag ni Education Program Supervisor Josenette Brańa ng DepEd Region 12 ang descriptive rating ay ang bagong grading system na ipapatupad ng DepEd sa lahat ng mga pampubliko at pribadong paaralan.
Sa descriptive rating tanging mga letra na lamang ang makikita sa report kard ng mga estudyante at ang bawat letra ay may katumbas na numerical value.
Aniya ang mga guro ay magbibigay ng gradong “A” (Advanced) sa mga mag-aaral na may 90 porsyento pataas ang marka, “P” (Proficient) para sa mga mag-aaral na may 85 hanggang 89 porsyento pataas, “AP” (Approaching Proficiency) para sa mga may 80 hanggang 84 porsyento pataas, “D” (Developing) para sa mga mag-aaral na may 75 hanggang 79 porsiyento pataas at “B” (Beginning) naman para sa mga mag-aaral na may 74 porsyento pababa ang marka.
Inihayag din ni Braña na ang bagong grading system ay ipatutupad lamang sa Grades 1 at 7 habang mananatili sa tradisyunal na numerical grading system ang ibibigay na grado sa iba pang grade level. (DED/KJN-PIA 12)
Number of Comments: 0