“Huwarang Pantawid Pamilya Search” ng NCR simula na
QUEZON CITY, Agosto 1 (PIA) - - Sa susunod na linggo ay sisimulan na ang balidasyon para sa “2012 Huwarang Pantawid Pamilya” ng National Capital Region (NCR) na pinangungunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD-NCR).
Pinag-usapan kahapon sa isang special meeting ng mga kasapi ng NCR Regional Inter-Agency Committee for the Filipino Family (RIAC-FF) ang pagpili ng huwarang pamilya para sa ikatlong taunang paghahanap.
Ngayong taon ay mga 12 pamilya ang pagpipilian na pinili naman ng mga lokal na pamahalaan ng Navotas, Malabon, Caloocan, Marikina, Mandaluyong, San Juan, Makati, Pasay, Taguig, Muntinlupa, Parañaque, at Pateros.
Kasama sa mga pamantayan sa pagpili ay ang mga: 1) 100 porsiyentong sumusunod sa pamantayang kaakibat ng programang Pantawid; 2) pamilyang ginagawa at isinusulong ang “healthy living;” 3) aktibong nakikilahok sa mga gawaing pang komunidad at pangkapaligiran; at 4) maayos na paggastos sa perang ipinagkaloob ng programa.
Sa buwan ng Agosto, gagawin ang pagdalaw at balidasyon sa 12 pamilyang napili at sa Setyembre 21 naman idedeklara ang mananalong pamilya kasabay ng selebrasyon ng Family Week.
Layunin ng Search for Huwarang Pantawid Pamilya na makilala ng publiko ang mga pamilyang masusing tumutugon sa mga panuntunan kalakip ng 4Ps. Kasama rin dito ang pagkilala sa mga pamilyang nagpapakita ng magandang pagpapahalaga sa importansiya ng nagkakaisang pamilya.
Ang lupon ng inampalan para sa Search ay mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at non-government organizations na mga kasapi ng RIAC-FF.
(LFB/RJB-PIA NCR)
Number of Comments: 0