Tagalog news: Tulong, hindi limos ibigay sa batang lansangan

By Lucia F. Broño

Friday 27th of July 2012
MANILA, Hulyo 27 (PIA) -- Tulong sa tamang paraan, hindi ang pagbibigay limos ang kailangan ng mga batang lansangan.

Ito ang pakiusap ng Department of Social Welfare and Development ng National Capital Region (DSWD-NCR) na huwag magbibigay sa mga naglipanang namamalimos na bata sa kamaynilaan.

“Nakikiusap po kami sa publiko na suportahan ang aming sigaw, tamang tulong ang kailangan, hindi ang pagbibigay limos sa lansangan,” ito ang sinabi ni DSWD-NCR Regional Director Ma. Alicia Bonoan.

Nagpaliwanag si Bonoan na makatutulong ang publiko sa pamamagitan ng hindi pagbibigay sa mga batang nanghihingi ng limos katulad ng mga batang biglang sumasakay ng pampublikong jeep, nagpupunas ng sapatos ng mga pasahero, at saka hihingi ng limos.

Aniya pa, mayroon ding mga batang nag-aabot ng solicitation letter o kaya’y envelop at nanghihingi ng salapi.

Sa halip, sabi ni Bonoan, makipag-ugnayan sa DSWD-NCR, sa lokal na social welfare development office, o kaya’y sa mga non-government organization na mga batang ganito ang tinutulungan.

Sa ilalim ng comprehensive program for streetchildren ng DSWD, 10 lugar sa Metro Manila na malaki ang konsentrasyon ng mga batang at pamilyang lansangan ang kanilang hangaring maalis lahat.

Kasama sa mga lugar na ito'y: Roxas Boulevard sa Manila; Kalayaan Road, Barangay E. Rodriguez at Quezon Avenue, Quezon City; Balintawak, Caloocan City; Roxas Boulevard, Pasay City; Greenhills, San Juan City; Kapasigan sa Pasig City; Madrigal Avenue, Muntinlupa City; at kahabaan ng NAIA Road sa Parañaque City.

Upang matagumpay na maisakatuparan ang programa ay nakikipagtulungan ang DSWD sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), sa mga lokal na pamahalaan (LGUs), mga ahensiya ng pamahalaan, sa akademiya, sa mga non-government organization (NGOs), at sa mga pribadong sektor na tumutulong sa mga batang lansangan.

Samantala, ang mga batang lansangan ay bibigyan ng tulong edukasyon, alternatibong edukasyon, tulong nutrisyon at pangkalusugan, at iba pang pamamaraan.

Sa talaan ng DSWD-NCR, nitong Hunyo, 114 pamilyang lansangan ang nabigyan ng tulong pangkabuhayan at 35 pamilya naman ang sumailalim sa programang “cash for work.”

Sa ngayon, 1,138 batang lansangan at mga 62 na Sama Bajaus na nakaenrol sa mga pampublikong paaralan ang binibigyan ng P2,000 halaga bawat bata para sa kanilang pagaaral; apat na pamilyang lansangan ang naturuan ng pagtatanim at pagnenegosyo ng sampaguita; at limang pamilya saka 12 katao ang nabigyan ng transportation assistance sa ilalim ng “Balik Probinsiya” na programa.

Muli, paalala sa publiko, huwag magbibigay limos sa mga nasa lansangan at kung hangaring tumulong, gawin sa tamang pamamaraan. (LFB/RJB-PIA NCR/DSWD)
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters